403 total views
Inamin ni Most Rev. Bishop Roberto Gaa, bagong talagang Obispo ng Diocese of Novaliches na takot ang una niyang naramdaman matapos siyang hirangin ni Pope Francis.
Sa kabila ng takot, malugod na tinanggap ni Bishop Gaa ang bagong tungkulin dahil magiging kalakbay niya ang Panginoon.
Tiwala ang bagong Obispo ng Diocese of Novaliches na pupunuin ng Panginoon ang kanyang mga pagkukulong para gabayan ang mahigit sa 2.5-milyong Katoliko ng nasabing Diyosesis.
Ibinahagi ni Bishop Gaa na tahimik ang buhay niya sa seminaryo na malayo sa kaguluhan at eskandalo na ibang-iba sa tungkuling gagampanan niya bilang Obispo.
“You welcome the changes that God brings to you”.pahayag ni Bishop Gaa sa Radio Veritas
Inihayag ng Obispo na nakakatakot ang bagong tungkulin ngunit namamangha naman ito sa kanyang mga natutuklasan.
“Kung ika’y tinawag ng Diyos, totoong masusurpresa ka, pero makakampante ka rin kasi alam mo, ang Diyos ang tumawag sayo, ang magiging kaakibat mo, kasabay mo, magpupuno ng iyong pagkukulang sa lahat ng iyong gagawin. Totoo nakakatakot pero sa isang banda, mamamangha ka sa matutuklasan mo, sa mga mangyayari sayo”.pag-amin ng Obispo
Aminado naman si Bishop Gaa na mahirap niyang mapapantayan ang mga ginawa ng itinuturing niyang “giant” na si Bishop Emeritus Antonio Tobias.
“Kahit maliit, he’s really such a giant sa mga ginagawa niya, mahirap palitan ang giant, parang to fit in his large shoes is impossible.”paghanga ng Obispo kay Bishop Tobias
Tiniyak naman ni Bishop Gaa na kanyang pagsusumikapan at pagbutihin pa ang misyon ng isang Obispo, at sisimulan niya ito sa pakikinig at lubusang pagkilala sa mga pari ng diyosesis.
Ngayong ika-24 ng Agosto 2019, pormal na itinalaga si Bishop Gaa na Obispo ng Diocese of Novaliches kung saan pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang installation mass katuwang si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano at mahigit sa 30 mga Obispo.