515 total views
Kinakailangang umaksyon ang lahat para sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang panawagan ni Diocese of Novaliches Bishop Roberto Gaa kaugnay sa nakatakdang online Diocesan Telethon ng diyosesis na may temang “Tinapay ko, Handog ko” sa ika-21 ng Agosto, 2021.
Ayon sa Obispo, dahil sa pagpapatupad ng ibat ibang Enhanced Community Quarantine ay higit na dumami ang mamamayang nahihirapan partikular na ang mga naapektuhan ang pangkabuhayan at pagkakakitaan.
Ibinahagi ni Bishop Gaa na ang nakatakdang online Diocesan Telethon ng diyosesis sa buong araw ng Sabado mula alas-syete ng umaga hanggang alas-syete ng gabi ay isang paraan ng pagkatok ng Simbahang Katolika sa puso ng bawat isa upang maging daluyan ng habag, awa at pag-ibig ng Panginoon para sa mga nangangailangan.
“ECQ [MECQ] na naman po tayo at talagang ang mga nangangailangan talaga ay lalo pang naghihikahos, ang lahat po ay nahihirapan na rin pero kami po ay kumakatok sa inyong mga puso na sana ay makapagbigay po tayo ng kahit kaunti para sa mga nangangailangan sa diocese, kaya po magkakaroon po ng telethon buong araw po simula alas-syete ng umaga hanggang alas-syete ng gabi on August 21, 2021.” Ang bahagi ng paalala ni Novaliches Bishop Roberto Gaa.
Paliwanag ng Obispo, tampok rin sa nakatakdang online Diocesan Telethon kung saan mapupunta o ilalaan ng diyosesis ang anumang malilikom na pondo upang makatulong at makapagbigay ng ayuda sa mga mahihirap na mga parokya sa diyosesis ngayong panahon ng pandemya.
“Ito po ay antabayanan niyo nalang po online at kami po ay magkakaroon ng telethon, iba’t iba po ang mangyayari kaya maganda pong subaybayan, maganda po tayong makilahok at tumulong, hindi lang po kami basta manghihingi sa inyo pero makikita niyo po kung sino na po yung mga tumulong, makikita niyo rin po saan papunta ang inyong tulong. Kailangan po na umaksyon ang lahat para sa mga nangangailangan, sana po ay maantig ang ating mga puso para sa lahat ng nangangailangan.” Dagdag pa ni Bishop Gaa.
Magsisimula ang online Diocesan Telethon ng Diocese of Novaliches sa pamamagitan ng isang banal na misa na pangungunahan rin ni Bishop Gaa.
Una ng ibinahagi ni Rev. Fr. Luciano Ariel Felloni – Director ng Social Communications and Media Ministry ng diyosesis na ang natakdang gawain ay bahagi rin ng paggunita sa ikalawang anibersaryo ng pagiging Obispo ni Bishop Gaa sa diyosesis, kung saan target na makalikom ng sapat na pondo upang makapagkaloob ng food assistance sa 1,000 hanggang 1,500 pamilya sa bawat parokya partikular na sa mga mahihirap na komunidad sa diyosesis.
Maaring makibahagi sa nakatakdang online Diocesan Telethon ng Diocese of Novaliches sa pamamagitan ng pagsubaybay sa livestreaming ng gawain sa Roman Catholic Diocese of Novaliches Facebook Page kung saan nakasaad ang iba’t ibang paraan upang makapagpaabot ng tulong in-cash o in-kind sa pamamagitan ng diyosesis.