341 total views
Tiniyak ni Taytay, Palawan Bishop Edgardo Juanich na patuloy siyang magsisilbi sa simbahan sa adbokasiya nito na pangangalaga sa kalikasan.
Ito ay sa kabila ng pagtanggap ng Santo Papa Francisco sa kanyang pagreretiro bilang obispo ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan.
“Ibalik natin ang pagmamahal sa lupa, pagmamahal sa kalikasan. Masaya ang buhay na simple, at simpleng pagkain. Pero mahal natin ang kalikasan at doon natin kinukuha ang ating ‘strength’ sa ating pagdarasal, inspiration every morning kanta ng mga ibon, mga hamog ‘yan ang grasya ng Diyos na ibinibigay na hindi napapansin,” pahayag ni Bishop Juanich sa Radio Veritas.
Ang Obispo ay mananatili sa Palawan para sa pagpapatuloy ng mga programa ng bikaryato tulad ng adopt a mountain bilang pagtalima sa panawagan ng Santo Papa sa kaniyang ensiklikal na Laudato Si.
Dagdag pa ng obispo, hangad niya ang pagtatanim ng mga Pilipinong gulay at prutas na nawawala na sa pamilihan at napalitan ng mga pagkain ng mga dayuhan.
Naniniwala ang obispo na hangga’t may lupa ay may pag-asa na maisaayos na maibalik ang ganda ng kalikasan para na rin sa kapakinabangan ng susunod ng henerasyon.
Si Bishop Juanich ay isinilang noong April 1952; inordihang pari sa Palawan taong 1976 at taong 2002 ng italaga itong obispo ng Apostolic Vicariate of Palawan.
Siya ay nagsilbing Obispo ng Taytay sa loob ng 16 na taon hanggang sa kaniyang pagreretiro nitong nakalipas na Nobyembre 2018.