1,339 total views
Nagpaabot ng panalangin si San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari – Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education sa kasalukuyang kalagayan ni Pope Emeritus Benedict XVI.
Ayon sa Obispo na siya ring Head of the Office of Social Communications ng Federation of Asian Bishops’ Conference (FABC), nawa ay sama-samang ipanalangin ng lahat ang biyayang kaloob ng Diyos para sa dating Santo Papa na nasa malubhang kalagayan.
Paliwanag ni Bishop Mallari, nasa mga kamay ng Diyos ang kaganapan ng buhay ng bawat isa maging ng dating pinunong pastol na matapat na nagsilbing lingkod ng Simbahan para sa ikaluluwalhati ng Panginoon.
“Ipagdasal po natin si Pope Emeritus Benedict XVI. Hingin po natin ng sama-sama ang lahat ng biyayang kailangan niya upang ang kalooban ng Diyos ay magkaroon ng kaganapan sa buhay niya sa lalong ikaluluwalhati ng Diyos.” Ang mensahe ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa Radio Veritas.
Matatandaang umapela ng panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco para kay Pope Emeritus Benedict XVI na kasalukuyang nasa malubhang kalagayan dahil sa kanyang karamdaman.
Bahagi ng panalangin ni Pope Francis ang tuwinang paggabay ng Panginoon kay Pope Emeritus Benedict XVI na nagsilbing isang tapat na lingkod at pastol ng Simbahan bago kusang magbitiw bilang Santo Papa dahil sa kanyang mga karamdaman taong 2013.
Una ng tiniyak ng Holy See ang patuloy na pagbabantay ng mga manggagamot sa kalagayan ni Pope Emeritus Benedict XVI na patuloy ang paghina ng pangangatawan dulot ng kanyang mga karamdaman gayundin ang katandaan.