2,893 total views
Lubos na nagpapasalamat si Bayombong, Nueva Vizcaya Bishop Jose Elmer Mangalinao sa mga tumulong at nag-alay ng panalangin para sa kanyang patuloy na paggaling matapos sumailalim sa operasyon.
Ayon kay Bishop Mangalinao, tunay na malaki ang naitulong ng panalangin upang madugtungan ang kanyang buhay, at maipagpatuloy ang gampanin bilang pastol ng simbahan.
“My deep appreciation and gratitude for the kind prayers and sacrifices they offered on my behalf! Indeed, I am a living miracle of the faithful’s providential care. Truly, faith saves, and prayer heals,” pahayag ni Bishop Mangalinao sa panayam ng Radyo Veritas.
Pebrero 2023 nang sumailalim sa quintuple heart-bypass surgery ang obispo sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City.
Naging tagapamagitan naman ni Bishop Mangalinao ang chancellor ng Diyosesis ng Bayombong na si Fr. Robbie Oliveros, Jr., upang ipabatid sa lahat ang kalagayan ng obispo habang nagpapagaling sa operasyon.
Anim na buwan makalipas ang matagumpay na operasyon, tiniyak ni Bishop Mangalinao na handa na muli siyang ipagpatuloy ang paglilingkod sa mga mananampalataya lalo na sa Diyosesis ng Bayombong.
“Now, I am recovering very well and ready to resume my active pastoral ministry this August in the Diocese of Bayombong,” saad ng obispo.
Si Bishop Mangalinao ang kasalukuyang chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, na magtatapos ang termino ngayong Nobyembre, at makakahalili ang kasalukuyang vice-chairman, San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto.