2,344 total views
Umaasa si Puerto Princesa, Palawan Bishop Socrates Mesiona na lalung mapangalagaan ng inisyatibo ng Puerto Princesa city government ang tatlong anyong tubig sa lungsod.
Ito’y ang Save Our Bays project na layong pangalagaan ang Ulugan Bay, Honda Bay, at ang Puerto Princesa Bay mula sa lumalalang epekto ng polusyon.
Ayon kay Bishop Mesiona, nawa’y sa pamamagitan ng proyekto ay maging kasangkapan ang lahat upang maisakatuparan ang layuning pangalagaan ang kalikasan para sa kapakinabangan ng susunod na henerasyon.
“Pangalagaan natin ang likas na yaman dahil biyaya ito ng Diyos hindi lamang para sa atin, sa kasalukuyan, kung hindi para din sa susunod pang mga henerasyon,” pahayag ni Bishop Mesiona sa panayam ng Radio Veritas.
Saklaw ng tatlong malalaking bay ng Puerto Princesa City ang apat na coastal barangay na mayroong mataas na bilang ng populasyon.
Nakikita namang solusyon ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron ang paglilipat ng lugar o relokasyon ng mga naninirahan sa baybayin para na rin maiwasan ang panganib tuwing may kalamidad.
Balak ng pamahalaang lungsod na gamitin ang Pambansang Pabahay para sa Pilipino Housing o 4PH program ng Administrasyong Marcos upang makakuha ng 21 ektaryang lupa na pagtatayuan ng mga bahay para sa relokasyon.
Nakasaad sa Laudato Si’ na hinihikayat ng Santo Papa Francisco ang lahat na simulan sa pagbabago ng pamumuhay ang ecological conversion na makakatulong naman sa pagbabago ng pamayanan tungo sa adhikaing pangalagaan ang sangnilikha.