255 total views
Inihalintulad ni Diocese of Iba Bishop Bartolome Santos ang buhay ni Bishop Jose Oliveros sa isang puno ng olibo na nakatanim sa templo.
Ayon kay Bishop Santos, tulad ng puno ng olibo, ang naging pbuhay ni Bishop Oliveros ay parating nakaugat sa lupain ng Panginoon.
Aniya, hindi ito kailanman nawala sa presensya ng Diyos at napuno ng kasaganaan at kabanalan ang buhay ni Bishop Oliveros gayundin ang lahat ng mga pari at mananampalatayang kanyang pinangunahan bilang isang pastol ng simbahan.
“Kung ang ating Obispo ay naging isang olive tree na larawan ng kasaganaan, marahil nga po, sa kanyang kasaganaan, sa kanyang naisabuhay dito sa Diyosesis ng Malolos at sa kanyang naging misyon, sa Quezon, sa Boac, sa kanya pang mga lugar na pinuntahan, marahil nakita ang kanyang kasaganaan, nakita ang kasaganaan hindi ng kayamanan kundi ng kanyang kabanalan, ng kanyang halimbawa, ng kanyang mga mabubuting binitiwan.” Bahagi ng homiliya ni Bishop Santos.
Kaugnay nito hinimok ni Bishop Santos ang mga mananampalataya na pasalamatan at alalahanin ang lahat ng kabutihang ipinamalas ng Panginoon sa pamamagitan ni Bishop Oliveros.
Ayon kay Bishop Santos, nawa ang mga mananampataya ay maging tulad sa umaawit ng salmo na nagpapahayag, at nagpapasalamat sa kabutihan, awa, at pag-ibig ng Diyos.
“Kapag ang isang Obispo ay ililibing, kabutihan lang ang ating alalahanin, kabutihan lang ng Diyos ang ating alalahanin. Ito ang ipagpasalamat natin, ito ang ipahayag natin, tayong nandirito pa sa sangkalupaan, samahan natin ang umaawit ng salmo, ipahayag natin ang kabutihan ng Diyos, ipahayag natin ang awa, at pag-ibig ng Diyos.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Samantala, nagpaabot ng pakikiramay sa pamamagitan ng isang liham ang Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle sa buong Diyosesis ng Malolos at sa pamilya at mga kamag-anak ni Bishop Jose Oliveros.
Sa kanyang liham, nagpasalamat ang Kardinal dahil sa panahong ipinagkaloob ng Panginoon upang makasama ng mga mananampalataya at ng mga Obispo si Bishop Oliveros. Pinasalamatan din ng Kardinal ang ipinamalas na pananalig, pagtitiyaga at pagpupunyagi ni Bishop Oliveros lalo na sa panahong malubha ang kanyang karamdaman.
“Salamat Bishop Joey sa pananalig, pagtityaga at pagpupunyagi na ipinamalas mo lalo na sa panahon ng iyong karamdaman. Mapayapa kang humimlay sa kandungan ng Diyos. Amen.” Bahagi ng liham ni Kardinal Tagle.
Sa huling bahagi ng liham ni Kardinal Tagle, umaasa ito na magiging mapayapa ang paghimlay ni Bishop Oliveros sa kandungan ng Panginoon.
Ngayong ika-17 ng Mayo, isinagawa ang Requiem Mass para kay Bishop Oliveros. Inilibing ito sa loob ng Katedral-Basilica Minore ng Imaculada Concepcion sa Malolos, kasama ang iba pang naunang Obispo ng Diyosesis na sina, Bishop Manuel Del Rosario at Bishop Cirilo Almario.