338 total views
August 2, 2020, 6:39PM
Nagpaabot ng pasasalamat si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa lahat ng mga nag-alay ng panalangin para sa kanyang mabilis na paggaling mula sa COVID-19.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, ganap na siyang COVID-19 free matapos mag-negatibo ang resulta ng kanyang ikalawang swab test ngayong linggo.
Lubos rin ang pasasalamat ng Obispo sa nadama niyang bisa ng panalangin ng bawat isa at sa awa ng Diyos na wala siyang anumang naramdamang sintomas ng sakit.
“Nagpapasalamat ako sa lahat na nagdasal sa akin. Naramdaman ko na mabisa ang inyong mga dasal.” Ang bahagi ng mensahe ni Bishop Broderick Pabillo sa Radyo Veritas.
HInimok naman ng Obispo ang mga mananamapalataya na mag-alay ng panalangin para kay Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iniguez Jr..
Paliwanag ni Bishop Pabillo, tulad ng pag-aalay ng panalangin para sa kanyang mabilis na paggaling ay marapat din isama sa pagdarasal si Bishop Iniguez na nagpositibo rin sa COVID-19.
“Ngayon isama natin sa ating dasal si Bishop Deogracias Iniquez na ngayon ay may sakit din.” Apela ni Bishop Broderick Pabillo.
Ayon sa Obispo, matapos na kanyang makompleto ang quarantine period ay muli na siyang makababalik sa kanyang mga normal na gawain kung saan nakatakda na ang kanyang muling pagsasagawa ng banal na misa sa Veritas Chapel sa susunod na Linggo, ika-9 ng Agosto.
“Next Sunday makakamisa na ako. Wala na akong virus pero tinatapos lang ang quarantine.” Ayon kay Bishop Broderick Pabillo.
Ika-23 ng Hulyo ng humiling ng panalangin si Bishop Pabillo sa mga mananampalataya matapos na magpositibo sa COVID-19 sa isinagawang RT-PCR.
Samantala, nauna ng umapela ng panalangin si Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgillo David para sa mabilis na paggaling ni Bishop Iniguez na nagpositibo rin sa COVID-19 at kasalukuyan ng naka-confine sa San Juan de Dios hospital.