35,811 total views
Ibinahagi ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang naging karanasan noong manalasa sa bansa ang Super Typhoon Yolanda, 10 taon na ang nakakalipas.
Ayon kay Bishop Pabillo, noo’y chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-National Secretariat for Social Action (CBCP-NASSA) at Auxilliary Bishop ng Archdiocese of Manila, malaking dagok ang iniwan ng Bagyong Yolanda sa Pilipinas dahil sa lawak ng saklaw nito na higit na nakapinsala sa Eastern Visayas, lalo na sa Tacloban City at Palo, Leyte.
“Talagang nabulagta kami noong panahon na ‘yun, 10 years ago, pagdating ng Bagyong Yolanda kasi hindi namin inaakala na ganun kalakas at katindi ang damage na magagawa sa Tacloban City at sa iba pang dioceses noong panahon.” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Gayunman, sinabi ng obispo na sa kabila ng naging pinsala, agad na kumilos ang simbahan sa pamamagitan ng mga Diocesan Social Action Commission (DSAC) katuwang ang iba’t ibang organisasyon upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad.
Kabilang sa mga labis ding naapektuhan ng Bagyong Yolanda ang Northern Palawan lalo na sa mga isla ng Coron, Busuanga, at Culion.
Kasalukuyang pinamumunuan ni Bishop Pabillo ang Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan na sumasaklaw sa mga parokya at mission stations sa buong Northern Palawan.
“Naalaala ko noong panahong ‘yun, hindi naman immediately, pero mga three months later naging kasama ako, pumunta ako dito sa Northern Palawan para mag-deliver ng mga bigas sa isang mission station na malayo. ‘Yan po ay ang mission station sa La Inmaculada Concepcion Parish sa Culion. ‘Yan po ang na-experience ko na sumakay kami ng bangka nang 11 hours para makapagdala doon ng bigas at nasiraan pa kami sa dagat.” pagbabahagi ni Bishop Pabillo.
Ikinahanga naman ng obispo ang katatagan ng mga nasalanta ng malakas na bagyo, na patuloy na bumabangon upang harapin ang pag-asa at magpatuloy sa buhay.
Panalangin ni Bishop Pabillo na manatili nawa sa mga biktima ng Bagyong Yolanda ang presensya ng Panginoon upang gabayan at maging matatag sa anumang mga pagsubok sa hinaharap.
“Panginoong Diyos, gabayan N’yo po at patatagin ang mga kapatid namin na nasalanta noong panahon ng Bagyong Yolanda. Salamat po sa mga naka-survive, salamat po sa mga natulungan. Palakasin N’yo ang loob sa mga taong nangangailangan dahil nga sa bagyong iyon. Sana po, patuloy silang magsikap at patuloy na may mga taong tutulong sa kanila at hindi magsawa na maiahon ang mga nabiktima ng bagyong ito. Ito po’y hinihiling namin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.” panalangin ni Bishop Pabillo.
Ikawalo ng Nobyembre, 2013 nang manalasa sa Pilipinas ang itinuturing na pinakamalakas at kauna-unahang Super Typhoon sa kasaysayan ng bansa, kung saan mahigit sa 6,000 katao ang naitalang nasawi.