339 total views
Nagpahayag ng paghanga si Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan Bishop-elect Broderick Pabillo kaugnay sa patuloy na pag-iral ng bayanihan sa bikaryato.
Ito ang ibinahagi ni Bishop Pabillo sa kanyang official Facebook page dalawang araw mula ng dumating sa Apostolic Vicariate of Taytay para sa kanyang nakatakdang installation bilang bagong punong pastol ng bikaryato sa ika-19 ng Agosto, 2021.
Ayon sa Obispo, bagamat kinakailangan niyang sumailalim sa 7-araw na quarantine matapos na dumating sa Palawan noong ika-5 ng Agosto ay personal niyang nasasaksihan sa kanyang quarantine area ang pagtutulungan ng mga mamamayan upang isaayos ang katedral at iba pang mga pangangailangan bilang paghahanda sa pagtatalaga sa kanya bilang bagong Obispo ng Taytay.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, nakamamangha ang simpleng pamumuhay sa lugar at bukas na pagkakaloob ng libreng serbisyo ng mamamayan sa komunidad hindi lamang para sa mga gawaing pansimbahan kundi maging para sa mga gawain sa paaralan at sa barangay.
“From my quarantine area I can see at a distance people working in the cathedral. I am told that they are people who come from the nearby communities to do bayanihan work to prepare for the installation. Bayanihan is still being practiced in Palawan. People offer their free services for community projects for the church, for the school or for the barangay activities,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Broderick Pabillo.
Ibinahagi rin ni Bishop Pabillo ang naging mainit na pagtanggap sa kanyang pagdating ng mga mananampalataya ng bikaryato na matiyagang nag-abang sa kanyang pagdaan mula sa Puerto Princesa Airport patungong Taytay.
Paliwanag ng Obispo, dahil sa mahigpit na panuntunan sa pagsasagawa ng mass gathering dulot ng COVID-19 pandemic ay batid ng bawat isa na limitado lamang ang maaring makibahagi sa kanyang nakatakdang installation bilang bagong Obispo ng Apostolic Vicariate of Taytay at pinili na lamang na abangan ang kanyang pagdating at pagdaan.
Ayon kay Bishop Pabillo, bakas sa mukha ng mga mamamayan ang kaligayahan at pananabik sa kanyang pagdating dahilan upang makailang beses siyang tumigil upang magkaloob ng sandaling pagbabasbas sa mga mananampalataya ng may pagsasaalang-alang sa safety health protocol bilang pag-iingat sa COVID-19.
Tiniyak naman ng Obispo ang personal na pagbisita sa bawat parokya at mga kapilya sa buong bikaryato upang makilala at makita ang pangangailangan ng mga mamamayan sa lugar.
“Since many cannot come to my installation as bishop of Taytay on August 19 due to COVID restrictions, they went out of their way to wait, just to wave at me along the road as I passed by. Technically I am on quarantine but at the same time I cannot bear to just simply pass them by. I got off the car (wearing my mask and face shield of course) and gave them a short blessing. I got off the car more than 30 times! I saw the eagerness and the joy in their faces as they welcomed me. I promised to visit them soon, which I really intend to do. I resolve to visit as many parishes and chapels as soon as possible to meet the people and know the situation of the local church,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Nagpahayag rin ng pananabik at kagalakan si Bishop Pabillo na muling makabalik sa Palawan na kung saan una siyang nakapaglingkod bilang isang pari.
Taong 1999 ng magsilbi si Bishop Pabillo bilang bahagi ng kaparian ng Puerto Princesa, Palawan bago itinalaga bilang katuwang na obispo sa Arkidiyosesis ng Maynila noong Mayo 24, 2006.
Ang Apostolic Vicariate of Taytay, Palawan na naging sede vacante noong taong 2018 matapos na magretiro si Taytay Bishop Emeritus Edgardo Juanich dahil sa ilang dahilang pangkalusugan.