363 total views
Itinalaga ng Kanyang Kabanalan Francisco si Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo bilang punong pastol ng Apostolic Vicariate of Taytay Palawan.
Inanunsyo ang pagkakatalaga kay Bishop Pabillo sa pamamagitan ni Papal Nuncio Archbishop Charles John Brown bago mag simula ang Banal na Misa sa karangalan nina Apostol San Pedro at San Pablo sa Manila Cathedral nitong Hunyo 29, 2021 ang pagdiriwang ng Popes Day.
Si Bishop Pabillo na tubong Negros Occidental ay ipinanganak noong Marso 11, 1955 at naordinahang pari Disyembre 8, 1982 bilang bahagi ng Salesian missionary.
Taong 1999 nang maging bahagi si Bishop Pabillo sa kaparian ng Puerto Princesa Palawan habang Mayo 24, 2006 nang italagang katuwang na obispo sa Arkidiyosesis ng Maynila.
Makalipas ang 16 na taon Itinalaga si Bishop Pabillo bilang obispong tagapangasiwa ng arkidiyosesis makaraang hinirang na Prefect ng Congregation for the Evangelizations of Peoples sa Vatican si Cardinal Luis Antonio Tagle.
Sa mahigit isang taong pangangasiwa ni Bishop Pabillo sa Arkidiyosesis hindi matatawaran ang paglilingkod nito sa Sambayanan lalo na sa gitna ng pandaigdigang krisis pangkalusugan dulot ng COVID 19.
Taong 2018 nang maging sede vacante ang Taytay Palawan makaraang tanggapin ni Pope Francis ang pagretiro ni Bishop Edgardo Juanich sa edad na 66 taong gulang dahil sa usaping pangkalusugan ng obispo.
Kasalukuyang tatlo pa ang sede vacante sa bansa ang Archdiocese ng Capiz, Diocese ng Alaminos at Apostolic Vicariate ng San Jose Mindoro.