445 total views
Naniniwala si Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo na totoong nararanasan na sa bansa ang pagtaas ng antas ng tubig dahil sa patuloy na pagbabago ng klima.
Ayon kay Bishop Pabillo, chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Office on Stewardship na ang epekto ng global warming dahil sa iba’t ibang gawain ng tao ang pangunahing dahilan ng unti-unting paglubog ng mga lugar.
Paliwanag ng Obispo na napatunayan na ito ng mga eksperto ngunit magpahanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga gawaing nakapipinsala sa kalikasan at nagdudulot ng panganib sa buhay ng mga tao.
“Matagal nang sinabi ng mga scientist na isang epekto ng global warming ay ang pagtaas ng sea level. Lalong lalo na kung tumaas pa ito ng isang metro ay talagang maraming maaapektuhan,” pahayag ni Bishop Pabillo ng Radio Veritas.
Batay sa pagsusuri ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), tatlong beses nang mas mabilis ang pagtaas ng sea level sa bansa kumpara sa global average.
Itinuturing ito ng mga siyentipiko na sanhi ng pag-init ng temperatura ng daigdig na tumutunaw sa mga polar ice cap na dahilan ng paglawak ng mga karagatan.
Muli namang hinimok ni Bishop Pabillo ang mga mamamayan na baguhin ang mga nakasanayang pamumuhay at isulong ang sapat-lifestyle upang makatulong na maiwasan ang mga nangyayaring pinsala sa kapaligiran.
Iginiit ng Obispo na tungkulin ng mga tao na pangalagaan ang inang kalikasan upang maipakita ang pagiging mabuting katiwala ng mga nilikha ng Diyos.
“Ito ay panawagan sa atin na seryosohin natin itong pagbabago ng ating lifestyle o pagkakaroon ng ecological conversion para hindi tayo maka-contribute sa pagtaas ng global warming,” saad ni Bishop Pabillo.