547 total views
Nasunog ang refectory building ng Apostolic Vicariate of Taytay, Northern Palawan na nagsisilbing kusina at kainan ng mga pari at kawani ng Bikaryato.
Sa pamamagitan ng isang video post ay ipinakita ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo ang sitwasyon sa nasunog na isang palapag na gusali noong Huwebes, ika-12 ng Mayo, 2022 pasado alas-dose ng madaling araw.
Ayon sa Obispo, dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy ay natupok rin maging ang tirahan ng tagapag-luto at driver ng Bikaryato, pati na rin ang sasakyan na kanyang ginagamit sa pag-iikot at pagbisita sa mga parokya sa Apostoliko Bikaryato ng Taytay, Palawan.
Nagpapasalamat naman si Bishop Pabillo na walang nasaktan sa naganap na sunog at naapula ang apoy bago pa ito kumalat sa katabing gusali na nagsisilbi namang tirahan ng mga pari at bisita ng Bikaryato.
“Kagabi po [Thursday] mga alas-dose ng hating gabi dinapuan po ng apoy ang aming [refectory] building at ang bilis ng kalat ng apoy at nasunog po ang tirahan ng aming cook, ng aming driver kasama na po yung sasakyan na ginagamit ko sa aking pagbibisita sa mga parokya at naubos po yung aming kusina at ang kainan. Mabuti nalang at napigilan namin yung apoy na kumalat kung saan nakatira ang mga pari kaya ito po ay hindi magandang balita na ibigay pero hindi namin ma-control yung apoy, napakabilis po. Yan po yung aming kalagayan ngayon, malaking trabaho ito paano namin ito gagawin, aayusin uli,” ang bahagi ng mensahe ni Taytay, Palawan Bishop Broderick Pabillo.
Pagbabahagi ni Bishop Pabillo, bagamat hindi nila alam kung paano sisimulan ang pagsasaayos sa gusali at sa mga natupok ng apoy ay dapat pa rin na ituring na biyaya ng Panginoon na walang sinuman ang nasaktan sa naganap na sunog.
Ang Apostolic Vicariate of Taytay, Northern Palawan na mayroong 23 parokya at 4 na mga mission stations ay kasalukuyang nasa pangangalaga ni Bishop Broderick Pabillo katuwang ang may 40 mga Pari upang pangasiwaan ang buhay espiritwal ng may 460,000 mga binyagang Katoliko.