403 total views
Nagpasalamat ang tagapangasiwa ng Arkidiyosesis ng Maynila sa Panginoon at sa kooperasyon ng mga deboto sa pagdiriwang ng pista ng Poong Nazareno.
Ayon kay Bishop Broderick Pabillo naging maayos ang buong selebrasyon dahil sa pagtutulungan ng lahat lalo na ng mga deboto.
“Tayo po ay nagpapasalamat sa biyaya ng Diyos na natapos ang ating selebrasyon [Traslacion] nang mapayapa at maayos at sa kooperasyon ng mga deboto na talagang sumunod sa mga patakaran,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Pinasalamatan din ng obispo ang mga pari ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa pangunguna ni Rev. Msgr. Hernando Coronel na gumawa ng mga inisyatibong makipag-ugnayan sa mga parokya hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga lalawigan upang mabawasan at maiwasan ang pagdagsa ng mga deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Matatandaang maraming simbahan sa NCR ang nagsagawa ng mga novena masses para sa Traslacion habang isinagawa naman ng Quiapo Church ang ‘PAGDALAW’ kung saan dinadala ang imahe ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa iba’t ibang simbahan sa Luzon.
Kinilala rin ni Bishop Pabillo ang partisipasyon ng mga volunteer groups na tumulong sa pagsasaayos at pagpatupad ng mga minimum health protocol kabilang na ang mga hijos del nazareno, medic, at mga religious organizations ng basilica.
“Maluwag ang ating loob na natapos itong malaking selebrasyon; napahayag ng mga tao ang kanilang debosyon, ang kanilang pagmamahal sa Poong Nazareno at naging maayos sa pagtutulungan ng bawat isa,” ani Bishop Pabillo.
Pinasalamatan din ng tagapangasiwa ng arkidiyosesis ang lokal na pamahalaan, Philippine National Police, at mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Health na nagbigay pahintulot na maisagawa ang selebrasyon ng pista ng traslacion.
Batay sa tala humigit kumulang 300, 000 deboto ang nagtungo sa Quiapo Church para masilayan ang Poong Nazareno at makadalo ng mga Banal na Misa.
Bagamat marami ang bumabatikos dahil sa maaring magdulot ito ng paglaganap ng corona virus inihayag ni National Capital Region Police Office (NCRPO) acting director Brig. Gen. Vicente Danao Jr. na sa kabuuan maayos ang pagdiriwang at naipatupad ang mga safety protocol para mapangalagaan ang kalusugan ng mga deboto.
Mensahe naman ni Bishop Pabillo sa mga deboto na hayaan na lamang ang mga pumupuna; mahalagang naipagdiwang ang pista ng Poong Nazareno na mapayapa at maayos na nakapagpuri sa Diyos ang mga deboto.
“Hayaan na natin yung mga pagsasalita nila, huwag na nating pansinin; ang mahalaga ginawa natin ng mabuti, nakatulong tayo sa napakaraming mga tao at nagpuri sa Diyos,” dagdag ng obispo.