323 total views
Hiniling ni Malaybalay Bishop Noel Pedregosa sa mamamayan ang panalangin para sa mga pastol ng simbahan sa pamumuno ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Ito ang mensahe ng obispo makaraang maordinahan bilang obispo at maitalang punong pastol ng Malaybalay Bukidnon nitong September 14.
Umaasa si Bishop Pedregosa na sa tulong ng Diyos ay buong katapatan at kababaang loob itong makapaglingkod sa mahigit isang milyong mananampalataya ng diyosesis at maging mabuting pastol na handang makinig sa kanyang kawan.
“May my shepherding will be a shepherding of listening, dialogue, love, gentle correction and appreciation; a shepherding of humility and openness; a shepherding of intimate friendship and holiness; a shepherding into the heart and soul; a shepherding of giving special attention to the four L’s (the least, the last, the lost, and those who are not in the list), giving special attention to our common home, our Mother Earth,” bahagi ng mensahe ni Bishop Pedregosa.
Batid ng obispo na malaking hamon at responsibilidad ang kaakibat ng pagkakatalagang obispo subalit naniniwala itong magagampanan ang tungkulin sa tulong ng Banal na Espiritung ipinagkaloob ng Diyos kasabay ng kanyang ordinasyon.
Inilarawan pa ni Bishop Pedregosa ang pagkakataong kasabay ng kanyang ordinasyon ay ipinagdiwang ang kapistahan ng pagtatampok sa banal na krus kung sumasagisag sa tagumpay na hatid ng Panginoong Hesukristo.
Naniniwala rin ang obispo na ang pangangalaga sa nag-iisang tahanan ay makatutulong upang maghilom ang buong daigdig sa epekto ng coronavirus, pagmakasarili, poot at iba pang masasamang gawi at higit na maisulong ang kabutihang panlahat.
“Healthy attitude towards Mother Earth creates healthy environment and relationship among ourselves. It can bring authentic healing and unity among ourselves, with the nurturing Moher Earth and with the Holy Triune God the author of everything,” ani Bishop Pedregosa.
Pinangunahan ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan ang ordinasyon at pagluklok sa ikalimang obispo ng Malaybalay kasama sina Cotabato Archbishop Angelito Lampon at Tandag Bishop Raul Dael.
Dumalo rin sa pagtitipon si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown, ilang obispo at mga pari mula sa iba’t ibang diyosesis.
Naglaan naman ng sandaling katahimikan si Bishop Pedregosa upang ipanalangin ang mga may karamdaman lalo na ang mga nahawaan ng COVID-19, ang katatagan ng mga medical frontliners na nangunguna sa pagsugpo sa nakamamatay na virus.
“May they all find courage and strength, consolation in the love, mercy and healing in the Holy Triune God,” giit ng obispo.
June 29 nang pormal na inanunsyo ng Vatican ang pagkakatalaga ni Bishop Pedregosa bilang kahalili ni Archbishop Cabantan na unang itinalaga sa Archdiocese ng Cagayan De Oro noong 2020.