528 total views
Panawagan ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto sa mamamayan na mahigpit na sundin ang mga minimum health protocols ngayong patuloy na tumataas ang kaso ng coronavirus disease sa bansa.
Kaugnay rin ito sa pinalawig na Enhanced Community Quarantine sa mga lungsod at lalawigan sa NCR Plus Bubble na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, gayundin sa iba pang lugar sa bansa na ramdam ang patuloy na epekto ng nakamamatay na sakit.
Ayon kay Bishop Presto na lubhang nakakabahala ang muling pagtaas ng kaso ng virus sa bansa lalo na ang mga natutuklasang variants ng COVID-19 na mas malala ang epekto at nagdudulot ng pagkasawi ng mga nadadapuan nito.
“Hindi natin maiwasan katulad ng mga [COVID-19] variants na binabanggit na may malaking effect nga ito sa buhay nating mga kapwa Filipino at marami ang mga nahahawa… kaya ‘yung practice natin na mapanatili natin ‘yung nakasanayan na sa loob ng ilang mga buwan na nagdaan [tulad ng] physical distancing; paggamit ng facemask at faceshield; pag-iwas sa mga matataong lugar; at gayundin ang paghuhugas lagi [ng kamay] at alcohol,” bahagi ng pahayag ni Bishop Presto sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, dalangin naman ng Obispo ang patuloy na kaligtasan ng lahat sa banta ng pandemya lalo na ang mga medical frontliners na tumutulong upang makapagbigay ng lunas, gayundin ang mga pasyenteng lubos na naghihirap dahil sa nakamamatay na sakit.
Hinihiling din ni Bishop Presto na nawa’y magkaroon ng katatagan ng loob at hindi mawalan ng pag-asa ang mga nawalan ng mahal sa buhay, maging ang mga nawalan ng hanapbuhay.
Panalangin ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto laban sa COVID-19 Pandemic
O Diyos naming Ama, kami po ay humihingi ng tulong dahil sa kalagayan naming ito sa aming bansa at gayundin sa buong daigdig dahil nga sa coronavirus.
Nawa po Panginoon sa aming laging panalangin na ang coronavirus na ito ay magtapos na; na sa aming panalangin [ay] mailigtas N’yo po kaming lahat at gayundin ang mga frontliners na tumutulong sa mga maysakit na COVID-19.
Panginoon naming Diyos, lagi naming hiling Sa’yo na kami rin sana’y palakasin mo sa aming pagtitiwala Sa’yo.
Dumarami ang bilang ng mga may COVID-19 na sakit ngunit alam naming ito’y pagsubok lamang at malalagpasan namin.
Ngayong Ikaw na nagpapagaling at nagbibigay lakas ay narito sa aming piling, palakasin Mo, Panginoon naming Diyos ang mga tao na may mga sakit dala ng COVID-19 na sila at ang kanilang pamilya ay magkaroon ng lakas ng loob at pag-asa.
Alam namin, Panginoon na maraming mga taong nasa ganitong kalagayang may sakit ay nagkakaroon ng paghina ng loob.
Palakasin Mo po sila, Panginoon. Kami rin na hindi man apektado ngunit sa iba’t ibang pamamaraan, katulad ng kakulangan ng panghanapbuhay, kawalan ng hanapbuhay ay matuto pa ring magtiwala at magkaroon ng malaking pagpapasensya at pagpapahalaga sa kapwa.
Tulungan Mo nawa na kami ay magkaroon ng isang puso na handa na tanggapin ang mga pagsubok na ito sa aming buhay na may malaking pag-asa sa Iyo.
Alam namin Panginoon na Ikaw ay naghirap at namatay ngunit muling nabuhay, kami man din sa kabila ng aming hinaharap na hirap na ito ay magkakaroon din ng liwanag at ng pag-asa sapagkat ikaw ang magbibigay-lakas sa amin.
Ang lahat ng ito, Diyos naming Ama ay hiling namin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.
Amen.
Batay sa huling tala ng Department of Health, umabot na sa 795,051 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan naitala ang panibagong kaso na 11,028; habang 41,205 ang mga gumaling at 2 naman ang mga nasawi.