197 total views
Itinuturing ni Catholic Bishops Conference of the Philippines President at Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas na kawalan nang Simbahang Katolika ang pagpanaw ni Butuan Bishop Juan De Dios Pueblos.
Ayon kay Archbishop Villegas, naging isang mabuting Pari na alagad ng Panginoon ang yumaong Obispo at naging isang mahusay na pastol ng mga mananampalataya sa Diocese of Butuan sa loob ng 22-taon.
Hinimok naman ng Arsobispo ang bawat mananampalataya na ipanalangin ang kaluluwa ni Bishop Juan De Dios Pueblos na ngayon ay kasama na ng Diyos sa kahariang nakalaan para sa kanyang mga lingkod na disipulo.
“Every death diminishes us. Something in us dies when a loved one dies. In the death of Bishop Juan de Dios Pueblos a part of us dies too but we look at death with hope and faith in the Risen Lord. He is a priest forever. The battle is over! The victory is won. Well done good and faithful priest of God! Pray for us Bishop Didi.” mensahe ni Archbishop Villegas.
Ayon sa Secretary ni Bishop Pueblos na Fr. Michael Abellanosa, pumanaw ang Obispo alas-6:55 ng gabi noong Sabado, ika-21 ng Oktubre sa Cardinal Santos Hospital sa San Juan City, Manila.
Ipinanganak si Bishop Pueblos noong March 8, 1943 sa Moto Sur, Loon, Bohol at naordinahan bilang pari noong Marso 30, 1968 kung saan siya naglingkod ng 17-taon sa kanyang educational assignments.
Naordinahan si Bishop Pueblos bilang Obispo noong June 24, 1985 kung saan siya ay naging Auxiliary Bishop ng Davao bago hinirang bilang Obispo ng Kidapawan noong February 3, 1987 kung saan siya nagsilbi sa loob ng 8 taon.
Kasunod ito ay nailipat naman si Bishop Pueblos bilang Obispo ng Diocese of Butuan noong November 24, 1995 kung saan siya naglingkod sa loob ng 22 taon bago pumanaw sa edad na 74 na taong gulang.