41,860 total views
Umapela ang Stella Maris Philippines sa Houthi rebels na ihinto ang pang-atake sa Red Sea.
Ikinalungkot ni Antipolo Bishop Ruperto Santos, bishop promoter ng Stella Maris-Philippines ang pag-atake ng rebeldeng grupo nitong March 6 sa Gulf of Aden na ikinasawi ng dalawang marinong Pilipino at isang Vietnamese na kawani ng commercial ship, True Confidence.
“We call on the Houthis to stop all the attacks, aggression, and intrusion in the Red Sea. This incident underscores the danger to human life, property, and the marine environment in the area,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ayon sa Obispo, ito ang kauna-unahang fatal assault sa tumitinding tensyon sa Red Sea na isang mahalagang ruta na dinadaanan ng mga barko na nakakaapekto sa kalakalan sa Europa, Middle East at Asia.
Batay sa datos ng Department of Migrant Workers, 15 Filipino seafarers ang sakay ng True Confidence vessel kung saan tatlo dito ang dinala ng Indian Navy sa pagamutan dahil sa tinamong pinsala bunsod ng pang-atake habang nasa hotel naman ang nalalabing 10 Filipino crew.
Nakipag-ugnayan na rin ang DMW sa pamilya ng dalawang Pilipinong nasawi at tiniyak ang suporta ng pamahalaan sa mga biktima ng pang-atake.
Samantala dalangin ni Bishop Santos na magkaroon ng kaliwanagan ng isip ang magkabilang panig upang matigil na ang mga karahasan na nakakaapekto sa mga inosenteng sibilyan.
“We place our trust in God’s miraculous love for peace, diplomatic settlements, and to soften the hearts of both sides. May each one respect life, promote the common good, and protect the individual rights and welfare,” ani Bishop Santos.
Matatandaang November 2023 nang magsimula ang Yemeni militia group na Houthis sa pang-atake sa Red Sea bilang pakikiisa sa Palestinians nang magsimula ang Israel – Hamas militant war.
Sa kaparehong buwan ay dinukot din ng Houthis ang 17 Pilipinong crew ng Galaxy Leader cargo ship na naglayag sa Red Sea.
Umaasa si Bishop Santos na mamayani ang kapayapaan sa mga lugar na umiiral ang karahasan kasabay ang panawagan sa Stella Maris Philippines chaplains at pastoral workers na magsagawa ng mga misa para sa kaligtasan ng mahigit kalahating milyong Filipino seafarers sa buong mundo gayundin ang katatagan ng pamilya ng mga biktima.
“In this moment of war, chaos, and uncertainty, let us all turn to God for His divine intervention. Let us pray for peace in the Middle East, entrusting everything in His power and mercy…We are one and united with the families of the victims. We urge them to be strong and lift up everyone and everything to God,” saad ni Bishop Santos.