26,394 total views
Kalakip ng pag-alala, pananalangin at pagpapasalamat sa mga yumaong lingkod ng Simbahan ang hamong ituloy ang kanilang sinimulang misyon para pagpapalaganap ng ebangelisasyon.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Antipolo Bishop Ruperto Cruz Santos sa isinagawang Misa para sa mga Yumaong Kaparian ng Diyosesis ng Antipolo.
“Ito ay atin ngayon gagawin, tutuparin. Kung paano na ang kanilang minimithi na ang buhay natin ay buo, nagkakaisa at nagdadayaman, ito ay atin ngayon gagawin. Pangako na hind natin sasayangin ang lahat ng kanilang pinaghirapan. Pangako na hindi natin aaksayain ang lahat ng kanilang naiwan. At pangako na higit natin pagyayamanin ang kanilang naitanim, naipundar at ipinagkatiwala sa atin. At ang ating pangako sa kanila ay nagaganap sa ating mga kamay at makikita sa ating mabuti at magandang buhay,” bahagi ng pagninilay Bishop Santos.
Hinihikayat naman ng Obispo ang bawat isa na ipagpasalamat sa Diyos ang buhay na ipinagkaloob sa bawat isa na bagamat maikli lamang para sa iilan ay nagsilbi namang daan upang madama ang pagmamahal, pangangalaga at pagbibigay halaga ng Panginoon sa bawat isa.
“Nararapat lamang na sila ay ating purihin at parangalan dahil sa mga pagpapakasakit at pagtataguyod nila sa atin. Karapatdapat din na sila ay ating pasalamatan. At higit sa lahat ipagpasalamat natin sila sa ating Panginoong Diyos. Sa kabila ng maigsing buhay sa lupa, maraming salamat sa Panginoong Diyos sa pagbibigay Niya sa kanila bilang ating minamahal a magulang o kabyak sa buhay, bilang kapatid o kamag-anakan, kaibigan o kasamahan. Ibinigay sila ng Diyos para sa atin.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Binigyang diin naman ng Obispo na hindi lamang dapat na tuwing Araw ng mga Banal at Araw ng mga Yumao ipinagdarasal ang kaluluwa ng mga namayapa kundi maging sa pang-araw araw.
Isinagawa ang Misa para sa mga yumaong mga lingkod ng Antipolo sa International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage o Antipolo Cathedral na dinaluhan ng mahigit sa 50 mga pari ng diyosesis at mga mananampalataya.
Ito din ay nagsisilbing taunang pagtitipon ng mga lingkod ng Simbahan ng diyosesis upang parangalan at kilalanin ang mga namayapang pari na naging bahagi sa pagmimisyon ng Diyosesis ng Antipolo para sa mahigit tatlong milyong nasasakupang mananampalataya sa lugar.
Matapos ang misa ay pinangunahan din ni Bishop Santos ang pagbabasbas sa puntod ng kauna-unahang Obispo ng Antipolo na si Bishop Protacio Gungon katuwang sina Antipolo Bishop Emeritus Francisco De Leon at Antipolo Auxiliary Bishop Nolly Buco.