1,675 total views
Tiwala si out-going Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos na patuloy na maninindigan ang mga taga-Bataan na ipaglaban ang pangangalaga sa kalikasan mula sa mapanganib na enerhiya. Ayon kay Bishop Santos-na pamumunuan ang Diocese ng Antipolo sa susunod na dalawang buwan, hindi siya nababahala na iwan ang lalawigan bagama’t patuloy na tinatalakay sa kongreso ang muling pagbuhay ng nuclear power plant.
Ang hakbang ay una na ring tinututulan ni Bishop Santos dahil sa pinsalang magiging dulot sa mga residente gayundin sa kapaligiran. Sinabi na obispo na hindi siya nababahala lalo’t nagkakaisa ang pamayanan ng Bataan at pamahalaang panlalawigan sa pagtutol sa panukalang rehabilitasyon ng Bataan Nuclear Power Plant na sinusuportahan naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
bilang pagkukunan ng murang kuryente. “it is already in the mind and the heart of the diocese and of the province. Nothing to worry, at ipagpapatuloy ng kung sino man. At sapagkat ang maganda ay nagkakaisa ang simbahan at government.,” ayon kay Bishop Santos sa panayam ng Radyo Veritas.
Taong 2016 nang ipag-utos ng dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng Nuclear Energy Program bilang pagkukunan ng kuryente at taong 2022 nang lagdaan ang executive order 164 kung saan kabilang ang mungkahi sa muling pagsasaayos at paggamit ng BNPP.
Bukod kay Bishop Santos, tutol din si Bataan Governor Albert Garcia sa panukala sa halip ay iminungkahi na gamitin ang 50-taong gulang na pasilidad bilang cloud-computing at data storage facility.
Si Bishop Santos ay namuno sa diyosesis ng Balanga sa loob ng 13-taon at itinalaga bilang obispo ng Antipolo na kahalili ng nagretirong si Bishop Francisco de Leon.