98 total views
Hinikayat ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mamamayan na maging mapanuri at masigasig sa pagtataguyod ng katotohanan sa gitna ng laganap na misinformation at disinformation sa lipunan.
Ayon sa obispo, dapat maging maingat ang mga mananampalataya sa mga balitang nababasa at napapanood, lalo na sa online platforms, dahil sa pag-usbong ng teknolohiya, nagiging mas madali rin ang pagpapakalat ng pekeng impormasyon.
“Sa panahong laganap ang fake news, AI-generated content, paid trolls, at misinformation, kinakailangang maging maingat tayo sa ating binabasa,” pahayag ni Bishop Uy.
Bilang mga Kristiyano, mahalagang pagnilayan at suriin ang mga impormasyong tinatanggap at ibinabahagi, lalo na ang pinagmulan ng mga ito, upang maiwasang malinlang ng fake news.
Dagdag pa ng obispo, sa panahon ng artificial intelligence, kailangang maging matalino ang bawat isa sa pagpili ng balitang ibabahagi sa social media.
“Kapag may nakita tayong kontrobersyal o nakagugulat na balita sa social media, ang pinaka-wasto at maka-Kristiyanong tugon ay huminto at mag-isip bago mag-react,” giit ni Bishop Uy.
Ngayong papalapit na ang halalan, mas dumarami ang misinformation, disinformation, at AI-generated content na maaaring makapanlinlang sa mamamayan.
Isa sa mga kamakailang biktima ng fake news ay si Pope Francis, na napabalitang nasa kritikal na kalagayan. Gayunpaman, ayon sa opisyal na impormasyon mula sa Vatican, nananatiling stable ang kalagayan ng Santo Papa habang ginagamot sa Gemelli Hospital sa Roma.
Dahil dito, nananawagan ang mga lider ng Simbahan sa mananampalataya na kumuha lamang ng impormasyon mula sa opisyal at awtorisadong mga source, gaya ng Holy See Press Office, upang maiwasan ang pagkalat ng maling balita.