246 total views
Malugod na tinanggap ni Bishop Dennis Villarojo ang pagkakatalaga bilang ika-5 Obispo ng Diocese ng Malolos.
Sa panayam ng Radio Veritas, nagpapasalamat si Bishop Villarojo sa tiwalang ibinigay ng Santo Papa Francisco para pangasiwaan ang diyosesis na may higit sa tatlong milyong mananampalataya, higit sa 200 mga pari at may 100 mga parokya.
Si Bishop Villarojo ay kasalukuyang auxiliary bishop ng Archdiocese ng Cebu na siyang hahalili kay Bishop Jose Oliveros na namayapa noong Mayo ng nakalipas na taon.
Ang diyosesis ay pansamantalang pinangasiwaan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na itinalaga ng Santo Papa bilang Apostolic Administrator.
Ang Obispo ay tubong Cebu City at ginugol ang kanyang 25-taon sa pagkapari sa Archdiocese ng Cebu.
Si Bishop Villarojo ay inordinahan bilang pari noong 1994 at nagsilbi bilang personal secretary ng namayapang si Cebu Archbishop Ricardo Cardinal Vidal.
Taong 2015 nang ordinahan bilang Obispo at auxiliary bishop ng Cebu.
Itinalaga din bilang General Secretary ng 51st International Eucharistic Congress 2016 na idinaos sa Cebu City.
Sa pagkakatalaga ni Bishop Villarojo apat pa sa mga diyosesis sa bansa ang sede vacante o walang nangangasiwang Obispo.
Sa kasalukuyan mula sa 86 na diyosesis sa buong bansa, apat pang diyosesis ang wala pa ring Obispo kabilang na ang Jolo, Sulu; Iligan; San Jose Mindoro at Taytay-Palawan.