184 total views
Nagpamalas ng labis na kagalakan ang mga mananampalataya sa St. Joseph Parish, Gagalangin, Tondo sa pagbisita ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia na nagsimula noong ika-5 ng Septyembre.
Sa banal na misang pinangunahan ni Father Joey Tuazon – Kura Paroko ng St. Joseph Parish, hinimok nito ang mga mananampalataya na tularan ang kababaang loob ng mahal na Ina, at ang kahandaan nitong tumalima sa utos ng Panginoon.
Sinabi ng Pari na si Maria ang pinaka dakilang Ehemplo ng pagiging bukas sa mga iniuutos ng Diyos bagamat hindi lubos na nauunawaan ang ibinalita sa kanya ng anghel ay buong puso nitong inialay ang sarili sa kalooban ng Panginoon.
“Ephphatha be open. Napakahalaga ng pagiging bukas at ang ating mahal na Ina ang Ehemplo ng pagiging bukas. Hindi lamang bukas ang kanyang tainga kundi bukas ang kanyang puso at buong pagkatao, sapagkat nang kanyang marinig ang pagbati ng Anghel sa kanya, Even if she does not completely understand that time, ang ating mahal na ina ay tumugon,” Homiliya ni Father Tuazon.
Dahil dito umaaasa si Father Tuazon na tulad sa ebanghelyo kung saan binuksan ni Hesus ang pandinig ng isang bingi na maging bukas din ang puso ng mga mananampalataya upang marinig ang kalooban ng Diyos.
Samantala, inaanyayahan din ni Father Tuazon ang mga mananampalataya na dumalo sa iba pang programa ng Parokya para sa pananatili ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa St. Joseph Parish.
Ngayong ika-10 ng Septyembre alas syete y medya ng gabi ay magkakaroon ng Film Showing sa Parokya na pinamagatang “Ikaw ang Pag-ibig”.
Sa ika-11 naman ng buwan ay idadaos ang isang Healing mass – alas sais y medya ng gabi – kasunod ang Manto imposition ng Our Lady of Peñafrancia.
Sa ika-12 naman ng Septyembre ay gaganapin ang huling Misa para sa mahal na birhen kasunod ang banal na prusisyon simula alas sais y medya ng gabi.
Matapos ito, sa ika-13 ng Septyembre ay ibabalik na ang Pilgrim Image ng Our Lady of Peñafrancia sa Naga City.