25,846 total views
Ito ang mensahe ni Fr. Niño Etulle, SCJ, makaraang mahirang bilang kauna-unahang Filipino Superior ng Priest of the Sacred Heart o Dehonians.
Ayon sa pari, bagamat hindi karapat-dapat sa posisyon ay buong kababaang loob na tinanggap nito ang bagong hamon sa mas malawak na pagmimisyong pangasiwaan ang mga kapwa misyonerong nakatalaga sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.
“Isang malaking biyaya, isang malaking opportunity na maipakita ng mga Filipino Dehonians na kayang gawin yung misyon dito sa Pilipinas kasama pa rin ang mga missionaries na galing sa iba’t ibang bansa. Ito ay pagkakataong higit maisabuhay ang bokasyon at pananampalataya na kailangang maibahagi sa iba at mas palaguin pa,” pahayag ni Fr. Etulle sa Radio Veritas.
Paiigtingin ng pari ang spirit of community life sa mga lugar na pinagmimisyunan ng Dehonians kabilang na sa mga parokya.
Batid ni Fr. Etulle na malaking hamon ang kahaharapin upang maisabuhay ang karisma ng kongregasyon sa buong bansa.
“Hamon sa amin ito ngayon lalo na at lahat ng na-appoint ay puro Pilipino na mas maging buhay yung spirituality ng Priest of the Sacred Heart sa Pilipinas, lumaganap yung devotions at spirituality ng sacred heart at yung aming special charism kung paano kami makatutugon sa pangangailangan ng lokal na simbahan,” saad ni Fr. Etulle.
Sa kasaysayan May 17, 1989 nang dumating sa Pilipinas ang walong SCJ missionary’s para ipalaganap ang misyon alinsunod sa mga halimbawa ni Fr. Leo Dehon ang tagapagtatag ng kongregasyon tulad mga kawanggawa para sa mahihirap, may karamdaman at naisasantabing sektor ng lipunan.
1994 nang maitatag ang formation program habang 1999 ang kauna-unahang Philippine novitiate class professed vows makalipas gawing Philippine District ang mission sa Pilipinas.
2012 nang gawing Philippine Region ang SCJ mission sa bansa na nakatuon sa rehiyon ng Mindanao ang pagmimisyon na lumago ang pangangasiwa sa San Lorenzo Ruiz Parish sa Tandang Sora, Quezon City; San Roque Parish sa Bagong Silang, Caloocan City; at Banal Na Krus Parish sa Tanay Rizal.
Katuwang ni Fr. Etulle sa pangangasiwa ang mga itinalagang Councilors ng kongregasyon sa pagtitipon noong December 2023 na sina Fr. Candido Bayron, SCJ; Fr. Richie Gier, SCJ; Fr. Donald Longno, SCJ, at; Fr. John Karl Cabaluna, SCJ.
Bago hiranging Superior ng Dehonian sa Pilipinas, nagsilbing kura paroko si Fr. Etulle ng San Lorenzo Ruiz Parish mula 2018.
Hiling ng pari sa mananampalataya ang patuloy na panalangin para sa ikatatagumpay ng kanyang misyon kasama ang iba pang SCJ missionaries sa Pilipinas.