247 total views
Kapanalig, nakakapagtaka na sa isang bansa gaya ng Pilipinas kung saan hitik na hitik ang init ng araw sa maraming lugar, hindi yumayabong solar energy. Sayang naman, diba? Libre ang pwersa ng araw, at napaka-makapangyarihan.
Malaki ang magiging tulong ng solar energy sa mga mamamayan. Unang una, napakamahal ng kuryente sa atin. Tayo nga ang isa sa may pinakamataas halaga ng kuryente sa ASEAN. Nasa mga Php10 per kilowatt hour ang kuryente natin, at malaki ang halaga nito kada buwan kung may ref ka, aircon, at iba pang appliances. Ang sistema pa, nakadepende sa coal at langis ang enerhiya sa bayan, na nakakarumi ng ating hangin at kalawakan.
Ang suplay din ng kuryente natin ay madalas numipis, lalo pa kung tag-araw. Mas mataas kasi ang demand para sa kuryente pag ganitong panahon. Kapag may nasirang planta, delikado ang suplay.
Maliban sa suplay at gastos, masalimuot din ang pagbibigay access sa kuryente sa marmaing lugar sa ating bayan. Hati-hati ang pulo ang ating bayan, at maraming mga lugar, mahirap abutin lalo na pagdating ng tag-ulan. Malaking gawain ang pagbibigay access ng kuryente sa ganitong lugar dahil hindi lamang kable ang kailangan, diba, sa regular na suplay ng kuryente. May mga transmission towers na kailangan, may transformers, at iba pa.
Kaya nga’t napakagandang bagay sana ang solar power sa ating bansa. Mantakin mo, kung maliit lamang ang suplay na kailangan ng isang kabahayan, sasapat na ang ilang solar panels para kanyang pangangailangan. Ang mga ito ay maaring mailagay sa bubong na may koneksyon at plug na pwedeng saksakan sa loob ng iyong bahay. Hindi na masamalimuot, kumbaga, parang plug and play. Sa isang simple at maliit na solar panel, maari ka ng magka-ilaw, o makapag-charge ng cellphone. Kapag may sakuna o disaster, may maasahan ka pa ring kuryente kung solar power ang gamit mo.
Sana mapagbigyan natin ang solar power sa bayan. Ginhawa ang dala nito, kahit paunti unti lamang. Pwedeng umpisahan ng mga kabahayan sa maliitan na paraan, lalo pa’t paunti unti ng nagmumura ang halaga nito habang nagdadaan ang panahon. Kung mas marami ang gagamit, mas malaki ang pagkakataon na mas liliit na ang halaga ng solar power installation sa bansa.
Kapanalig, ang pag-gamit ng pwersa ng araw ay hindi lamang wais at praktikal na desisyon, ito ay makatao at maka-Diyos na gawain. Ang renewable energy ay isang kongkretong paraan ng malinis na enerhiya, nangangalaga sa kalikasan habang sinasalo ang pangaingailangan ng tao. Payo nga ni St. John Paul II sa kanyang World Day of Peace Letter (“The Ecological Crisis: A Common Responsibility”) noong 1990, “Ang mga estado ay dapat na maging responsable sa pagsulong ng isang natural na lipunan at kapaligiran, kung saan namamayagpag ang kapayapaan at kalusugan.