406 total views
March 30, 2020, 2:00PM
Bukod sa pagkain, tubig at medical aid, lubos na nagpapasalamat ang mga hospital workers ng Sta. Ana Hospital at Mandaluyong City Medical Center sa pagdiriwang ng misa sa kanilang pagamutan.
Sa dalawang magkasunod na linggo, simula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine ay nagdiwang ng misa si Fr. Hans Magdurulang ng San Felipe Neri Parish sa dalawang pagamutan kung saan marami ang nakaratay sa sakit dulot ng coronavirus disease.
Ayon kay Fr. Magdurulang, ito ay isang pagpapasalamat sa kanilang paglilingkod sa kabila ng panganib na mahawaan ng sakit.
“When I thanked them, they repeatedly told me that this is what they all really need more, and thank you for the courage to come here,” ayon kay Fr. Magdurulang.
Hiling din ng mga medical workers ang patuloy na panalangin para sa kanilang kaligtasan laban sa sakit upang patuloy na makapaglingkod at tuluyan nang masupil ang pagkalat ng COVID-19.
“They said, please be with us through your prayers. Though we can’t have the mass yet, they ask me to give the prayer and blessing over the paging system of the hospital so that those who can’t join us may also hear and receive the blessing,” ayon pa sa pari.
Si Fr. Magdurulang ay nangakong bibisita sa Sta. Ana Hospital at M-C-M-C tuwing Lunes sa pakikipag-ugnayan na rin sa Our Lady of the Abandoned Parish.
Naniniwala ang pari na biyaya ang paglilingkod ng mga frontliners, at sa pamamagitan ng panalangin sila ay magiging mas matatag at puno nang tiwala sa Diyos na mapagwawagian ang laban kontra sa pandemic.
Bukod sa pananalangin sa mga medical frontliners, patuloy din ang paglaganap ng #ChurchInAction campaign kung saan nagsisilbi na ring pansamantalang tahanan ng mga medical personnel ang mga paaralan, dormitoryo, kumbento at simbahan.