207 total views
Kapanalig, sa panahon ng kwaresma tayo ay niyayakag na mangilin at mag-ayuno. Kadalasan, iniiisip natin na sa pagkain lamang ito angkop. Kaila sa ilan, maraming mga bagay ang pwede nating ipagpaliban gawin, bawasan, o tuluyan nang iwasan ngayong Sabado de Gloria.
Maraming mga establisimyento, restaurant, at mga pamilihan ang sarado ngayon. Ito ay isang paalala na tumigil muna tayo at ipagpaliban muna ang pamimili, lalo na kung di naman kailangan. Ito ay nagpapa-alala rin sa atin na pagnilayan din ang ating lipunang nagiging “consumerist” na. Ang bilis na kasi mamili ngayon, kapanalig, lalo sa mga urban areas ng ating bayan. Isang swipe lang, isang pindot lang, dadalhin na sa iyo ang binibili mo. Ayon nga sa isang pag-aaral na may pamagat na E-commerce SEA: Unlocking the $200 billion digital opportunity in Southeast Asia, maaring umabot ng $19 billion ang e-market sa ating bansa pagdating ng 2025. Magandang balita ito para sa mga industriya, ngunit kailangang sabayan ito ng gabay.
Ang ating mahal na Pope Francis ay laging may paalala ukol sa konsumerismo. Sa kanyang pahayag sa mga obispo noong Setyembre 2015 sa St. Charles Borromeo Seminary sa Philadelphia, sinabi niya na ang sobrang konsumerismo ay nagdudulot sa isang kultura kung saan lahat ng hindi na magagamit o nakakapagbigay saya ay itatapon na lamang, habang marami ang nagtitiis sa tira tira. Ito ay nagkukubli ng isang uri ng karalitaan—ang malalim na kalungkutan na pilit nating pinunuo sa pamamagitan ng materyal na bagay.
Ang isa pa na maari nating ipag-ayuno ngayon ay ang pag-gamit ng social media. Apat na bilyon na ang social media users sa buong mundo. At ayon pa sa datos ng We are Social, 2/3 na ng mundo ay mobile users. Sa ating bayan, sobra pa sa walong oras kada araw ang ginugugol natin sa Internet, at kalahati nito ay sa babad sa social media. 50 million na rin ang facebook users natin, pang-anim sa dami sa buong mundo.
Ang nakakalugkot, pagdating sa social media, puro mura ang iyong makikita. Pagdating sa social media, puro away ang iyong aabutan. Viral ang kahalayan, viral ang bangayan, walang moderator, mga kapanalig. Mga pinuno pa natin ang nangunguna sa murahan at pang-aalipusta. Ang nakakalungkot, okay lang ito sa marami. Hindi na nababahala ang marami, kahit pa pati mga bata ay kasama sa sapot ng madilim na bahagi ng social media. Kaya’t sana, lumayo muna tayo dito, kahit ngayon lang sabado.
Damhin natin ang katahimikang dala ng pag-gunita sa paghihirap ng Panginoon. Ibang iba ito sa ingay ng konsumerismo at social media. Sa katahimikang ito, maalala natin ang tunay na esensya ng ating pagkatao—may dignidad at dangal, at sobrang mahal ng Diyos, na kaya niyang ialay ang kanyang buhay para tayo ay lumaya.