160 total views
Noong nakaraang mga araw, marami ang nag-react sa balitang maaari na ngayong makakuha ng blogger’s accreditation mula sa Malacanang.
Para sa kaalaman ng marami, ang mga bloggers ay yaong mga indibidwal o grupo na nag-se-self publish sa internet. Malaki ang kaibahan nito sa media kung saan may sinusundang code of ethics, may mga ahensya at asosasyon na nag-che-check at re-regulate, at may censorship. Ayon kay Communications Secretary Andanar, dahil walang nagche-check ng accuracy o veracity ng mga blog entries ng mga accredited bloggers, ang ahensyang kanyang pinamumunuan ang magche-check ng mga ito.
Maraming mga bloggers ang sinunsundan sa lipunan ngayon, at marami sa kanila ay matatawag na tunay na mga influencers. Ang kanilang mga ineendorsong produkto o gamit o tao ay nabibigyang espasyo sa buhay ng kanilang mga followers.
Walang masama kapanalig na mag-accredit ng mga bloggers, ngunit kailangan malinaw sa publiko na sila ay hindi na-accredit upang magbigay ng tapat at walang kinikilingang balita. Ang bloggers, kapanalig, kaya sila mga influencers, ay hindi matatatwang may kanya-kanyang mga paniniwala na malaya niyang nailalathala sa kanyang blog. Pinipili nila ang kanilang mga ilalathala at mga pangyayari, events, o okasyon na kanyang i-co-cover. Sa mga reporters, naka-assign sa kanila ang kanilang beats, at sa ayaw man nila o hindi, kailangan nilang i-cover ang beat o pwesto na tinakda sa kanila. Sa bloggers, okay lamang na masingit ang kanilang mga personal na opinyon, sa reporter, kapag siningit mo ang iyong personal na opinyon, maari kang mapagalitan o matanggal sa trabaho.
Magkaiba, kapanalig, ang blogging at professional reporting, ngunit sa gitna na pagkakaiba na ito, pareho silang mahalaga at kailangang patatagin. Kapanalig, buhay at namamayagpag ang blog scene sa ating lipunan. Kung magagamit lamang ito para sa hindi magandang layunin, masisira ang pundasyong tinatag ng mga beteranong bloggers natin. Kung patuloy naman natin pahihinain ang kredibilidad ng media sa ating bansa, para ding binuwag natin ang isa sa pillars o haligi ng ating demokrasya.
Kapanalig, kailangan nating masuri ang ating mga polisiya at praktis, lalo pa’t mabilis na nagbabago ang teknolohiya ngayon pati ng pamamaraan ng pamamahagi ng balita. Ngayon na kailangan natin ng totoong balita, hindi nararapat na lalo nating palabuin ang pamamaraan ng pagbabahagi ng impormasyon ngayon. Insulto ito sa parehong bloggers at mamamayahag. Dapat sana ang isulong natin ay kahusayan sa komunikasyon (excellence in communication) at pagyakap sa katotohanan (commitment to truth). Ang mga ito ay values o pinahahalagahan na dapat maging pamantayan ng lahat, kahit pa ng private media organizations, ng public news agency at ng mga bloggers. Kapag ang mga ito ang naging pamantayan, pihadong ang kabutihan ng balana ang sinusulong ng pamahalaan. Ayon nga sa Pacem in Terris, ang lipunan ay hindi magiging maayos o maunlad kung ang mga pinuno nito ay hindi mangunguna sa pangangalaga sa mga institusyon nito at hindi ilalaan ang sarili sa kabutihan ng hindi lamang iilan, kundi ng balana.