132,426 total views
Ang Pilipinas ay isang arkipelago – napapaligiran tayo ng katubigan. Kaya’t napakahalaga, kapanalig, na pamilyar tayo sa konsepto ng blue economy. Nakataya dito ang ating buhay at kinabukasan. Ito ang pundasyon ng ating lipunan. Hindi lamang pagkain, trabaho, at libangan ang dala nito. Ang mga karagatan ang nagpo-produce ng kalahati ng oxygen ng buong mundo.
Ang blue economy, kapanalig, ay may iba ibang depinisyon, pero lahat sila ay nakatutok sa sustainability at kalusugan ng ating mga marine resources. Ayon sa World Bank, ang blue economy ay ang sustainable na paggamit ng mga resources ng karagatan para sa paglago ng ekonomiya at ng mas maayos na kabuhayan at trabaho habang tinitiyak ang kalusugan ng ocean ecosystem. Para sa European Commission naman, ang blue economy ay tumutukoy sa lahat ng activities na kaugnay ng mga karagatan, dagat, at baybayin.
Ang maritime industry natin kapanalig, ay napakalaki ng ambag sa ating bayan. Napakaraming trabaho ang naibibigay nito sa ating mga kababayan. Tumutulong ito sa pagtiyak ng suplay ng pagkain sa bansa. Malaki rin ang kontribusyon nito sa ating ekonomiya. Mga P857 billion ang ambag nito sa ating kaban noong 2023, mga 3.9% ng ating gross domestic product.
Kaya lamang, kapanalig, maraming banta sa ating maritime industry bago pa ito ma-transisyon na maging blue economy. Unang una na dito ang climate change. Binabago ng climate change ang klima sa mga karagatan, pati water circulation. Hindi simple ang mga pagbabagong ito – napakalaking epekto nito sa mga ecosystems sa karagatan at baybayin na malaki ang implikasyon ngayon at sa hinaharap. Maaari itong magdulot ng extinction, halimbawa ng mga species ng hayop at halaman.
Isa pa sa mga banta sa paglago ng blue economy ay ang patuloy na pamamayagpag ng mga malalaking commercial fishing vessels sa mga karagatan ng bansa. Hindi lamang nila dini-displace ang mga artisanal o maliliit na fisherfolks, inuubos pa nila ang mga isda sa karagatan dahil kadalasan, kahit ga munti o batang isda ay kanila ng hinuhuli.
Pati turismo, kapanalig, ay may dala ring banta sa ating blue economy. Ang kalat at polusyon na dala nito, kung hindi natin maa-awat, ay makakasira sa ating kalikasan at karagatan.
Kapanalig, tayo ang mga itinakdang stewards o tagapangalaga ng kalikasan, ng ating mga karagatan. Ang responsibilidad na ito ay hindi natin dapat isakatuparan sa shortsighted o napakakitid na paraan. Kailangan, sa pangangalaga sa kalikasan, ating laging nasa isip ang sustainability – ang tuloy tuloy na pag-iral ng likas yamang biyaya ng Diyos sa lahat. Sabi nga sa Caritas in Veritate, “The environment is God’s gift to everyone, and in our use of it we have a responsibility towards the poor, towards future generations and towards humanity as a whole.”
Sumainyo ang Katotohanan.