458 total views
Binigyang-diin ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco na hindi na dapat ituloy ang pagbuhay sa Bataan Nuclear Power Plant.
Ayon sa Obispo, matagal nang binabalak ng pamahalaan na buhayin ang planta ngunit hindi pa rin natutuloy magpahanggang ngayon dahil sa kaakibat na panganib na makakaapekto sa kalikasan at kalusugan ng mga tao.
Inihalimbawa ni Bishop Ongtioco ang naganap na trahedya sa Japan noong 2011 matapos ang malakas na lindol na nakapinsala sa Fukushima Daiichi Nuclear Power Plant.
Sinabi ng Obispo na ito ang nagbunsod sa Japan upang isara na ang iba pang nuclear power plant dahil sa takot na muling maulit ang insidente at magdulot ng panganib sa buhay ng mga tao.
“Noon pa lang hindi na pinapayagan ‘yang Bataan Nuclear Power Plant dahil nga delikado. Tulad nung nangyari sa Japan na paglindol. Nasira ‘yung nuclear power plant doon at nag-iwan ng malalang panganib sa environment at kalusugan ng mga tao doon,” pahayag ni Bishop Ongtioco sa panayam ng Radio Veritas.
Nauna nang tinutulan ng Agham – Advocates of Science and Technology for the People ang pahayag ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na malulutas ng BNPP ang krisis sa enerhiya ng bansa at magbibigay daan para mapabilis ang industriyalisasyon.
Iginiit ng Agham na sa kabila ng panukalang buhayin ang BNPP ay patuloy namang itinatanggi ni Marcos Jr. ang katotohanan na ang planta ay luma at may sira na, mapanganib, at nagsilbing simula ng tiwaling gawain.
Sinabi rin ng professor emeritus ng University of Illinois, Chichago na si Filipino-American Geologist Kelvin Rodolfo na maaaring kaharapin ng BNPP ang malubhang panganib kapag sumabog ang Mount Natib sa Bataan.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang Mount Natib ay isang dormant stratovolcano at itinuturing na aktibo.
Panawagan naman ni Bishop Ongtioco sa pamahalaan na bago tuluyang buhayin ang power plant ay dapat pag-isipan munang mabuti ang mga desisyon at isaalang-alang ang kaligtasan ng kalikasan at mamamayan tungo sa pag-unlad.
“Sana’y pag-isipang mabuti ng pamahalaan ang kanilang binabalak sa Bataan Nuclear Power Plant, at unahin nilang i-consider ang magiging kalagayan ng ating inang kalikasan at mga maaapektuhang mamamayan,” ayon kay Bishop Ongtioco.
Ang BNPP ang pinakauna at nag-iisang nuclear power plant sa bansa na nagkakahalaga ng $2.3 bilyon na naipatayo sa ilalim ng rehimeng Marcos ngunit hindi pa rin nagagamit hanggang ngayon.