606 total views
Mahalaga para Commission on Human Rights ang paggunita sa ika-154 na kaarawan ni Andres Bonifacio na siyang tinaguriang ama ng Philippine Revolution at isa sa mga bayani na nagsulong ng kasarinlan ng Pilipinas.
Ayon kay CHR spokesperson Atty. Jacquline Ann De Guia, nararapat na pahalagahan ang naging buhay at mga nagawa ng mga bayani na nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit ang demokrasya at kalayaan ng bansa mula sa pananakop ng mga dayuhan.
Nilinaw ni De Guia na mandato ng CHR na isulong at ipagtanggol ang karapatang pantao ng mamamayang Filipino sa mandato ng 1987 constitution na matagal nang ginagampanan at ipinaglalaban ng mga bayani ng bayan.
“Para sa Kumisyon sa mga Karapatang Pantao mahalaga itong araw na ito na ipinagdiriwang dahil inaalala natin ang ating mga bayani. Tandaan natin na ang kumisyon sa mga karapatang pantao at yung mga probisyon patungkol sa Human Rights ay makikita lamang natin sa 1987 Constitution na simbolo ng demokrasya at ng kalayaan na siyang isinulong ni Andres Bonifacio na dapat maalala at pahalagahan natin yung mga ginawa ng ating mga bayani para maranasan natin ng tuloy tuloy ang demokrasya, kalayaan at karapatang pantao…” pahayag ni De Guia.
Matatandaang binuo ang CHR, matapos ang Martial Law noong 1987 sa ilalim ng Article 13, Section 17 at 18 ng Saligang Batas upang tiyaking hindi umaabuso at lumalabag ang pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno sa demokrasya at karapatang pantao ng bawat Filipino.
Samantala sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, hindi nalalayo ang mga katangian ng isang martir o santo sa isang bayaning nagsulong ng tunay na katarungan para sa kanyang bayan na kapwa ay naghahangad ng pagbabagong para sa pangkalahatan kung saan handa nilang ialay ang kanilang buhay para sa kabutihan ng mas nakararami.