3,591 total views
Ang paggunita ng Bonifacio Day tuwing ika-30 ng Nobyembre ay isang paalala sa mga suliraning panlipunan na naging mitsa ng rebolusyon na umiiral parin sa ngayon.
Ito ang ibinahaging reyalidad ni Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm, kaugnay sa paggunita ng ika-159 na kaarawan ni Andres Bonifacio.
Ayon sa Pari na executive secretary ng Conference of Major Superiors in the Philippines (CMSP), ito ay paalala at hamon na ipagpatuloy ang pakikibaka upang makamit ng tunay na kalayaan, katarungan, pagkakapatiran at pagkakapantay-pantay sa lipunan.
“Tingin ko ang relevant ng Bonifacio Day sa ngayon sa atin ay unfinished na mga gawain, so kailangan nating ipagpatuloy upang makamit ang totoo ang tunay na kalayaan, tunay na katarungan, tunay na pagkakapatiran, tunay na lipunan na malaya, may katarungan, may equality pagkakapantay-pantay…” paglilinaw ng pari sa Radio Veritas.
Sinabi ng Pari na inspirasyon ng bawat isa si Gat Andres Bonifacio upang makamtan ang ganap na kalayaan at katarungan.
Tinukoy ni Fr. Buenafe ang paglaban sa laganap na karahasan at serye ng pagpaslang na sumisiil sa kalayaan at katarungan sa bansa.
“We can also get inspiration from Gat Andres Bonifacio, na ang pakikibaka tungo sa tunay na kalayaan, katarungan, yung struggle ng freedom and justice ay very relevant until ngayon. Alam natin yung mga freedoms and rights are violated like the right to life, killings are increasing and killings are happening everyday so I think the struggles of Bonifacio more than hundred years ago for freedom, for rights, karapatan at kalayaan at katarungan ay hindi lamang relevant pero real pa rin ngayon.” Dagdag pa ni Fr. Buenafe.
Si Gat Andres Bonifacio ay tinaguriang Father of the Philippine Revolution at isa sa mga bayani na nagsulong ng kasarinlan ng bansa laban sa pananakop ng mga Espanyol.
Sa bahagi ng pananampalatayang Katoliko, hindi nalalayo ang mga katangian ng isang martir o santo ng Simbahan sa isang bayaning nagsulong ng tunay na katarungan para sa kanyang bayan.