394 total views
Nagsimula na sa Diocese of Novaliches ang pilot testing ng COVID-19 first booster shot para sa pediatric population o mga nasa edad 12 hanggang 17 taong gulang.
Ayon kay San Bartolome de Novaliches Parish Parochial Vicar Fr. Harvey Bagos na patuloy ang pakikipagtulungan ng Diocese of Novaliches sa pamahalaang lungod ng Quezon para sa COVID-19 vaccination sa parokya upang makatulong sa pagbibigay proteksyon sa mga tao laban sa virus.
Hinihikayat naman ng pari ang mga magulang na may anak na nasa edad 12 hanggang 17 na pabakunahan ng booster shots ang mga bata lalo na kung lumagpas na sa limang buwan magmula noong matanggap ang second dose ng bakuna.
“Nagsisimula na po tayo ng ating pilot testing ng first booster ng mga bata, pedia ages 12 to 17. Kaya po inaanyayahan ko po ang lahat ng mga magulang na may anak na 12 to 17, kung ang inyo pong anak ay lumagpas na ng limang buwan sa kanilang second (vaccination), pwede na po kayo magpa-booster o makibalita sa announcement ng vaccination para sa inyong mga anak,” paanyaya ni Fr. Bagos.
Batay sa tala ng Quezon City COVID-19 Vaccination Tracker, umabot na sa higit anim na milyon ang bilang ng mga indibidwal na nakatanggap na ng first at second dose ng bakuna, gayundin ang booster shots.
Sa bilang, nasa higit isang milyon sa mga indibidwal ang nakatanggap ng una at ikalawang COVID-19 booster shots.
Maliban sa pagsusuot ng face mask at pagsunod sa social distancing, patuloy pa rin ang paghihikayat ng simbahan at pamahalaan na magpabakuna para sa karagdagang kaligtasan laban sa virus.