740 total views
Pinaiigting ng social action arm ng Archdiocese of Cebu ang mga programang tutugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na ang mga maralita.
Inilunsad ng Cebu Caritas Inc. – Commission on Service ang ‘Pakighimamat sa Anawim’ kung saan nabigyang pagkakataon ang mga mahihirap sa lalawigan na mapakinggan ng simbahan.
Ayon sa institusyon, layunin nitong mapakinggan at makapaglikha ng mga programa ang arkidiyosesis na pakikinabangan ng maralitang sektor at matulungang mapaunlad ang kanilang antas ng pamumuhay.
“The activity aims to listen to the cries and aspirations of the Anawim and to craft concrete programs and action plans to address their concerns. It is also a wonderful avenue for them to provide “sanctuaries” (dangpanan) for the various sectors when the need arises.” ayon sa Cebu Caritas.
Hinati sa tatlong grupo ang gawain kung saan nakatalaga sa bawat grupo ang mga obispo ng arkidiyosesis na sina Archbishop Jose Palma, Bishop Midyphil Billones at Bishop Ruben Labajo.
Batid ng simbahan ang mahirap na karanasan ng mga maralita dulot ng iba’t ibang pangyayari sa lipunan na nakadadagdag sa pasanin ng mamamayan tulad ng mataas na presyo ng bilihin at serbisyo at ang kawalang sapat na kita.
Nitong November 13 ipinagdiwang ng simbahan ang ikaanim na World Day of the Poor sa temang ‘For your sakes Christ became poor’ kung saan muling tiniyak ng simbahan ang pakikiisa at paglingap sa mga mahihirap sa lipunan.
Sa pag-aaral ng Social Weather Stations noong Oktubre naitala sa halos 13 milyong pamilya sa Pilipinas ang naghihirap habang halos tatlong milyon naman ang nagugutom.
Una nang inilunsad ng Archdiocese of Cebu ang Parish Caritas bilang hakbang sa pagpapaigting ng social programs ng simbahan at mapabilis ang paglingap sa mamamayan.