687 total views
Mga Kapanalig, tuwing dumarating ang panahon ng eleksyon, madalas nating naririnig ang mga tinatawag na “significant blocs” o mga grupong sinusuyo ng mga kandidato upang makuha ang kanilang boto. Nariyan ang boto ng mga grupong batay sa probinsya o wikang ginagamit katulad ng mga Ilokano, Bikolano, at Bisaya. Nariyan din ang boto ng mga religious groups katulad ng Iglesia ni Cristo. Bagamat 80% ng populasyon ng Pilipinas ay mga Katoliko sa papel, hindi natin masasabing mayroong “Catholic vote”.
Isa pa sa itinuturing na significant bloc ngayong halalan ay ang mga kabataan. Bakit nga ba mahalaga ang tinatawag na youth vote?
Sa dami ng kabataan ngayon, maituturing silang malakas na puwersa sa ating bayan. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (o PSA), ang mga Pilipinong edad 18 hanggang 24, na kinabibilangan ng mga boboto sa unang pagkakataon sa darating na eleksyon, ay bumubuo sa 13% ng ating populasyon. Nasa 19% naman ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ang mga nasa edad 24 hanggang 34, at marami sa kanila ang maituturing pa ring bahagi ng kabataan o youth. Sa datos naman ng Commission on Elections (o COMELEC), 33% ng mga rehistradong botante ay mga 18 hanggang 33 taong gulang.
Hangad natin ang aktibong paglahok ng kabataan sa darating na eleksyon. Piliin din sana nila ang mga kandidatong magiging kaagapay nila sa kanilang pagsuong sa ‘ika nga’y tunay na buhay sa labas ng paaralan at sa loob ng kani-kanilang buhay-pamilya at pipiliing karera. Ngunit bago nito, mahalagang nalalaman din nilang ang mga nangyayari sa ating lipunan ay nakaaapekto sa kanilang buhay, at sila ay may tungkulin ding mag-aambag sa positibong pagbabago sa ating bayan. Sa isang banda, mahalagang natutugunan ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng kabataan katulad ng maayos na edukasyon at sapat na oportunidad upang makapaghanapbuhay. Sa kabilang banda, inaasahan din natin ang kabataang maging responsable hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang pamilya at kapwa.
Malaki ang hamong kinakaharap ng kabataang Pilipino lalo na sa panahong maraming umaagaw ng kanilang oras at atensyon. At sa maraming pagkakataon, nagiging hadlang ang mga ito sa aktibo nilang pakikilahok sa pulitika at iba pang bagay sa labas ng kanilang personal na buhay. Marami pang kailangang gawin upang ang kanilang pagkahumaling, halimbawa, sa teknolohiya, internet, at social media ay magamit para sa pagmumulat sa kanila sa kung ano ang tama at mabuti para sa kanilang sarili at sa lipunang kanilang ginagalawan.
Hindi rin naman magagabayan ng mga nakatatanda ang kabataan sa kanilang paglalakabay sa buhay kung hindi natin sila pakikinggan at uunawain ang kanilang mga hangarin at pangarap. Sabi nga ni Pope Francis sa kanyang apostolic exhortation na Christus Vivit, hindi kasiya-siya para sa ating Panginoon ang mga nakatatandang mababa ang pagtingin sa kabataan. Ang pagiging may-edad ay hindi nangangahulugang may pribilehiyo ang isang tao at ang pagiging bata ay hindi nangangahulugang may mababa siyang dignidad. Sabi nga sa 1 Timoteo 4:12, huwag hayaang hamakin ang sinuman dahil sa kanyang kabataan.
Samantala, kailangan ding makinig ang kabataan sa mga nakatatandang mayaman na sa karanasang magtuturo sa kanilang huwag nang ulitin ang kanilang mga pagkakamali at matuto sa nakaraan. Wika nga sa Mateo 13:52, ang mga nakatatanda ay “naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.” Ang karunungang ito ang dapat na ibinabahagi natin sa kabataan—hindi mga maling impormasyon, mga baluktot na pananaw, at mapanghusgang pagtrato sa kanilang kapwa.
Kaya naman, mga Kapanalig, maging pagkakataon sana ang darating na halalan upang magkadaupang-palad ang kabataan at mga nakatatanda upang kapwa silang humarap sa isang mas magandang bukas.