53,925 total views
Kapanalig, hindi natin maitatanggi, ang laking tulong, ginhawa, at pag-asa ang dinala Business Process Outprocessing industry o BPO, sa maraming manggagawang Filipino. Nabigyan ng opsyon ang marami nating mga mamamayan – graduate, o bagong graduate, middle aged, o kahit retired na, part-time, full-time – marami ang nagkaroon ng pagkakataon kumita dahil dito. Nakakapamili din sila sa iba’t ibang larangan tulad ng customer service, technical support, at mga back-office operations. Tinatayang mahigit pa sa 1.7 million ang mga manggagawa sa BPO industry natin kapanalig, at lalaki pa ito.
Malaki na rin ang kontribusyon ng BPO industry sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga remittance mula sa mga foreign clients. Ang pag-unlad ng sektor na ito ay nagreresulta rin sa paglago ng iba pang industriya tulad ng real estate, retail, at transportasyon. Nagkaroon na ng chain reaction.
Marami rin ng pamilya ang nakakaangat sa hirap dahil sa trabaho sa BPO. Ang stable na kita ay nagdudulot ng mas magandang kalidad ng pamumuhay, mas magandang edukasyon para sa mga anak, at mas maayos na kalusugan. May mga health benefits din na talagang nakakatulong sa pamilya. Pero hindi pantay pantay ang pasweldo kapanalig, sa mga BPO offices. May mataas magbigay, may maliit. Kahit man ganito, nabigyan ng mas maraming opsyon o pamimilian ang mga tao, na nagdadagdag sa kapangyarihan din nila o empowerment. Ang exposure din sa international clients at iba’t ibang kultura ay nagpapataas din ng kanilang global competence. Ito ay nagiging puhunan nila sa kanilang propesyonal na pag-unlad at sa pagkakataon na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Kaya lang may mga isyu pa rin sa industriya na kailangan natin harapin. Kasama dito ang stress at health issues dulot ng night shifts, work-life balance challenges, at ang pagiging dependent ng industriya sa mga economic policies ng ibang bansa. Kinakailangan ang patuloy na suporta mula sa pamahalaan at mga kumpanya upang masigurong ang mga manggagawa ay mayroong sapat na proteksyon at benepisyo. Walang halaga ang kita kung masisira ang kalusugan, pamilya, at ang ating ispiritwalidad, hindi ba?
Ang pag-unlad ng BPO industry ay isang magandang indikasyon ng mas maliwanag na kinabukasan para sa marami, pero kailangang mabalanse natin ang benespisyo at hamon, at mapangalagaan ang manggagawang Filipino. Ang suporta ng pamahalaan, mga kumpanya, at komunidad ay mahalaga upang masigurong ang BPO industry ay patuloy na magiging isang mahalagang sektor na magdudulot ng pag-asa at pag-unlad sa bansa.
Maski ang Simbahan mismo ay maganda rin na maging aktibo dito, sa pamamagitan ng mga outreach at pastoral services na kailangan ng BPO workers para mapangalagaan ang kanilang spiritiwalidad, mental health, at pati fellowship. Kailangan nating makita na hindi lamang pera ang trabaho kundi isang daan ng papagbuti ng ating pagkatao, pagkilala sa sarili, at pagbabago ng mundo. Sabi nga Laborem Exercens: Work remains a good thing, not only because it is useful and enjoyable, but also because it expresses and increases the worker’s dignity. Through work we not only transform the world, we are transformed ourselves, becoming “more a human being.”
Sumainyo ang Katotohanan.