211 total views
Nilinaw ng Department of Finance ang mga probisyong napapaloob sa Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law 2 hinggil sa pagbubuwis sa mga non-profit institutions tulad ng mga Catholic Schools.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Antonio Joselito Lambino II, mananatiling non – taxable ang mga non-profit institution sa ilalim ng TRAIN Law 2 o ang Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities (TRABAHO Bill).
“Ang non-tax, non-profit will continue to enjoy their tax exempt status under the Trabaho bill.Linawin ko lang po, non profit will continue to enjoy their tax free status. There is no change.” pahayag ni Lambino sa Radio Veritas.
Aniya, ang 10% tax na nasasaad sa Trabaho Bill ay para sa mga proprietary institutions o mga institusyong bukod sa paghahatid ng serbisyo publiko ay layunin ding kumita.
Iginiit ni Lambino na layunin ng Trabaho bill ang ibaba ang corporate income tax sa 25-percent sa kasalukuyang 30 porsiyento kung saan karamihan sa nagbabayad ay mga small and medium enterprises.
Bukod sa pagpapababa ng corporate income tax ay layunin din ng Trabaho Bill na ayusin ang pagbibigay ng insentibo sa mga kumpanya lalo na ang mga kumpanyang tumatanggap ng higit 20 taon.
Nauna nang inihayag ng American Chamber of Commerce of the Philippines na maaring aalis sa Pilipinas ang ilang dayuhang kumpanya kapag tuluyang naisabatas ang Trabaho Bill na karamihan sa apektado dito ang mga manggagawa sa Business Process Outsourcing na tinatayang may higit sa kalahating milyon ang bilang.
Hinikayat naman ng mga lider ng Simbahang Katolika ang pamahalaan na pag-aralan ang mga polisiyang ipinatutupad at palaging isaalang – alang ang kapakanan ng bawat mamamayan.