145 total views
“Madaling sabihin, mahirap gawin.”
Ito ang inihayag ng CBCP _ Permanent Committee on Public Affairs executive secretary Rev. Fr. Jerome Secillano sa naging pahayag ni US president elect Donald Trump na babawiin nito ang mga ‘business processing outsourcing’ (BPO) sa bansa.
Ayon kay Fr. Secillano, walang dapat ikabahala ang mga call center agents sa bansa na nangangambang mawalan ng trabaho.
Paliwanag ni Fr. Secillano kinakailangan makita ni Trump na malaki ang kanilang natitipid dahil sa murang ibinabayad na serbisyo mula sa BPO industry.
Iginiit pa ng pari na dapat munang pag – aralan ni Trump ang mga pros and cons saakaling matuloy ang kanyang pagbawi ng outsourcing sa labas ng Estados Unidos.
“It is easier to say than done…Hindi ito basta – basta tatanggalin nalang dahil lamang gusto ng isang kandidato magiging eye opener ito para sa ating lahat, sa kanila lalong – lalo na kay Donald Trump na sa kanila pa lang ekonomiya ay kailangan din nila ng ‘cost cutting’ halimbawa. Kailangan rin nila halimbawa na maghanap ng mga murang serbisyo ito ay isang realidad na hindi mo pwedeng isabit. Ito ay madali lang sabihin pero kapag tinignan na nila, sinuri ng mabuti, pinag – aralan eh mukha naman palang valid yung reason yung tinatawag na outsourcing,” bahagi ng pahayag ni Fr. Secillano sa panayam ng Veritas Patrol.
Hindi rin maiwasang maihalintulad ni Fr. Secillano ang pagkakatulad ng ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na wawakasan nito ang ‘ENDO’ o ‘end of contract’ sa bansa dahil malayo aniya sa realidad ang pakiwaring pangako ng ilang kandidato.
“Ang dami daming mga kandidato na nangako ng isang bagay pero when the ground is running already makikita mo hindi pala ganun kadali na ituloy yung promise nila. Halimbawa dito sa Pilipinas yung ENDO na tinatawag eh bakit magpa – hanggang ngayon hindi pa rin matanggal – tanggal ang ENDO at hirap na hirap ang labor department kung papaano ipa – implement yan. Because there are realities that must be considered ganun rin naman yung sitwasyon sa Amerika,” giit pa ni Fr. Secillano sa Radyo Veritas.
Nabatid na mula sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas noong 2014 pangalawa ang BPO sektor ng halos 640, 000 call centers na nakapagpapasok ng $18 bilyon.
Sa katuruang panlipunan ng Simbahang Katolika mula sa encyclical na Laborem Exercens ni St. Pope John Paull II kailangang makilala ang dignidad ng mga tao sa paggawa at hindi lamang sila maturing na mga bagay.