1,255 total views
(Photo: Aboitiz.com)
Pinapurihan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity ang inisyatibo ng Department of Education (DepEd) sa pagsasagawa ng ‘Brigada Eskwela’.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, malaki ang naitutulong ng mga magulang sa pakikiisa sa Brigada Eskwela na nagpapakita ng pagmamalasakit ng mga magulang sa pag – aaral at paaralan ng kanilang mga anak.
Iginiit pa ni Bishop Pabillo na malaki ang matitipid ng DepEd dahil sa pagbibigay ng libreng oras at paggawa ng iba’t ibang magulang, non – government organizations at kapulisan para maihanda ang mga ekwelahan bago ang pasukan at pagbubukas ng Academic Year 2016 hanggang 2017.
“Nagpapasalamat tayo sa inisyatiba ng Brigada Eskwela malaking tulong yan para sa mga eskwelahan sa pamamagitan ng tulong ng mga magulang. Dito ipinapakita ng mga magulang ang kanilang concerns sa pag – aaral ng kanilang mga anak sa pagsali dito sa Brigada Eskwela. Sana po sumali ang mga magulang. At ito po ay malaking tipid sa DepEd na naayos ang mga paaralan natin sa pamamagitan ng free services at free labor na ibinibigay ng ating mga magulang sa paghahanda ng opening ng school year,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Sinimulan naman ang Brigada Eskwela nitong ika – 30 ng Mayo at matatapos hanggang Hunyo a – 4 na may temang: “Tayo Para sa Paaralang Ligtas, Maayos at Handa Mula Kindergarden Hanggang Senior High School.”
Bukod sa Brigada Eskwela, inilunsad na rin ng DepEd ang Oplan Balik-Eskwela.
Ito’y para tugunan ang mga gusot sa enrollment at iba pang isyu tungkol sa pagbubukas ng klase.
Nabatid na noong 2015-2016 school year, nasa 21 milyon ang mag – aaral.