161 total views
Hinimok ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga magulang na ihandang mabuti ang kanilang mga anak ngayong pasukan at makiisa sa mga gawain sa mga paaralan.
Ayon sa Obispo mahalagang mapalakas ang resistensya ng mga bata, dahil nagsimula na rin ang tag-ulan na may kaakibat na iba’t ibang karamdaman. Payo pa ng Obispo, mahalaga rin na mapanatili ang kalinisan sa loob ng paaralan, kaya’t mahalaga ang pakikilahok ng mga magulang at estudyante sa mga Brigada Eskwela.
“Sa mga magulang ihanda nila ang kanilang anak sa pasukan, mayroon po ngayon ay mga eskwela Brigada, sana tumulong ang mga magulag doon sa pagaayos ng mga paaralan, at maihanda rin ang mga bata lalong lalo na sa health kapag tag-ulan, sabihin sa kanila na huwag silang magpapabasa kasi madali [silang] magkasakit.” Pahayag ni Bp. Pabillo sa Radyo Veritas.
Samantala, nagpaalala rin ang Department of Health na ugaliin ang pag-inom ng maraming tubig, pagkain ng masustansya at pagpapanatili ng kalinisan upang makaiwas sa mga water borne diseases ngayong tagulan. Kabilang dito ang Influenza o trangkaso, Leptospirosis na mula sa ihi ng mga daga na karaniwang nakukuha sa paglusong sa baha, ang Dengue na galing sa mga lamok, Cholera, Hepatitis, at Typhoid Fever.
Samantala, sa Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco, binigyang diin nito ang kalusugan ng tao ay nakasalalay sa malusog na kalikasan na siyang ugat ng masaganang buhay ng mundo.