161 total views
Matagumpay ang pagtutulungan ng Caritas Manila – Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP at ng kompanyang ‘Toys R Us’ sa ginawang Bring Toys Back To Life campaign noong ika – 3 ng Agosto.
Ayon kay Ms. Helen Oreto, program head ng Caritas – YSLEP, mahalaga ang pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor sa lipunan sa pagpapalakas ng programang pang edukasyon ng social arm ng Arkidiyosesis ng Maynila sapagkat maraming kabataan ang matutulungan dito.
“Napakaimportante nito kasi itong ating YSLEP ngayon ay expanding throughout the Philippines,” pahayag ni Oreto sa Radio Veritas.
Binigyang diin ni Oreta na bukod sa mga lugar sa Metro Manila, may mga youth servant leaders din ang YSLEP sa mga lalawigan sa buong Pilipinas upang mai-angat sa karukhaan ang mga kapus-palad.
Aniya, sa ginawang pag-aaral ng Caritas Manila sa 3 hanggang 4 na milyong out-of-school youth sa bansa, karamihan ay matatagpuan sa malalayong kanayunan ng Pilipinas.
“Part of this proceeds will go to YSLEP and then ito ay ibebenta itong donation ng Toys R Us ay ibebenta thru Segunda Mana,” ani ni Oreta.
Dahil dito hinimok din ni Ms. Abel Tejam, Marketing Head ng Toys R Us ang mamamayan na mag-donate ng mga laruan na hindi na ginagamit ngunit mapakikinabangan pa upang makatulong sa adhikain ng Caritas Manila na pagpapaaral sa mga kabataan.
“We would like to invite everyone sa toy donation meron kaming mga dump bins where they can bring their toys in all Toys R Us stores nationwide,” pahayag ni Tejam sa Radio Veritas.
Ibinahagi pa ni Tejam na nang magsimula ang toy donation program ng kompanya noong unang araw ng Hulyo umabot na sa higit 800 mga laruan ang kanilang nalikom at patuloy itong nag-aanyaya dahil hanggang ika – 30 ng Nobyembre ay maaring magbigay ng mga laruan.
Sinabi pa ni Tejam na sa halos 5 taong pakikipagtulungan ng kompanya sa Caritas Manila, tiniyak nitong patuloy ang kanilang pagsuporta sa mga program ng social arm ng simbahan sa tulong na rin ng kanilang mga customers.
“Pasalamatan natin yung regular customers ng ‘Toys R Us’ for always patronizing our store and for sharing with us itong konting contribution ng donate a toy,” ani ni Tejam.
Ginanap ang pagtitipon noong Sabado sa Ayala Fairview Terraces kung saan sama-sama ang mga bata at ilang youth servant leaders ng YSLEP sa pagkukumpuni ng ilang mga donasyong laruan bago ito ibinigay sa Caritas Segunda Mana.
Samantala, umapela ang program head ng Caritas YSLEP sa mga donors na patuloy suportahan ang scholarship program ng Caritas Manila.
Sa kasalukuyan may halos 5, 000 youth servant leaders ang tinutulungan ng Caritas YSLEP sa buong Pilipinas mula sa iba’t ibang komunidad at pananampalataya.