2,225 total views
Hinikayat ni Bontoc Lagawe Bishop Valentin Dimoc ang mga servant leader ng pamayanan na maghain ng kandidatura sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon sa Obispo, mahalagang maipamalas ang pagiging servant leader sa tinaguriang pinakamaliit na yunit ng lipunan na maging daan sa pagbabago ng buong pamayanan.
“Calling on Catholic patriots in our communities to run for servant-leadership in the Barangay level. We pray and encourage servant-leaders in the BECs to file their candidacy for governance and service in the Barangay level,” bahagi ng pahayag ni Bishop Dimoc.
Paalala ni Bishop Dimoc na ang Barangay at SK Elections ay isang mahalagang tungkulin at malaking responsibilidad na gagampanan ng mga maihalal na lider na inaasahang mangunguna sa pagsusulong ng pag-unlad sa komunidad.
“The Barangay and SK election is not about stupid family political ambition and social standing but collective responsibility for good governance and for public good, as contained in the Civil Law of our Government and in the Social Teachings of our Catholic Church,” paalala ng obispo.
Magsisimula ang election period sa August 28 sa paghahain ng kandidatura ng mga nagnanais tumakbo sa halalang pambarangay na magtatapos sa September 2 habang itinakda ng Commission on Elections ang campaign period sa October 19 hanggang 28 dalawang araw bago ang halalan sa October 30.
Tiniyak ng obispo ang pagsasagawa ng political education sa mamamayan upang magkaroon ng malalim na kamalayan hinggil sa kahalagahan ng pakikilahok sa eleksyon gayundin ang pagpili ng mga mabubuting lider na may tunay na hangaring maglingkod sa kapakanan ng taumbayan.