12,441 total views
Homiliya para sa Huwebes, 11 Hulyo 2024, Paggunita kay San Benito, Mt 10:7-15
Noong nakaraang Martes, nag-bonding kami ng kapatid kong panganay. Umabot ng tatlong oras ang tanghalian namin dahil nagkuwento siya tungkol sa naranasan niyang paglalakad sa camino ng Compostela nitong nakaraang buwan. Biro niyo, sa edad na 78 ay naglakad siya nang 215 kilometro kasama ang dalawang anak niya at isang manugang.
Marami daw silang mga kapwa peregrino na nakasabay sa camino. Ang bati daw nila sa isa’t isa ay BUEN CAMINO! Ibig sabihin, “Mabuting Paglalakad.” Iba’t ibang lugar ang kanilang pinagmulan pero lahat sila ay iisa ang destinasyon: ang Simbahan ng Santiago de Compostela sa rehiyon ng Galicia sa Espanya. Pwede daw pumili ng iba’t ibang ruta—may mahabang ruta na pwedeng abutin mula tatlo hanggang apat na linggo, may mas maikli, mula isa hanggang dalawang linggo. May mga rutang paliko-liko, may dumadaan sa mga bundok na may paakyat at pababa, mga papasok sa kagubatan, may bumabaybay sa may tabing ilog o sapa, may bumababa sa mga burol at mga liblib na kabayanan, mayroon ding mga rutang diretso sumusunod lang sa kalye at mga sementadong kalsada para sa nagmamadali. Pero lahat iisa lang naman ang patutunguhan—ang bayan ng Compostela (galing sa pangalang Latin na ang kahulugan ay kampo ng mga estrelya). Parang talinghaga sa biyahe ng tao patungong langit.
Nagwork-out daw muna si kuya nang halos tatlong buwan ng araw-araw na paglalakad dito sa atin sa Pilipinas para siguraduhing mabuo niya ang camino at makaabot sa Compostela na walang atrasan. Dumarating daw pala talaga ang sandali na medyo magsisimula nang masiraan ng loob ang peregrino, matutuksong umatras o mandaya at sumakay na lang ng bus o taxi. May sandaling mapapaisip ka daw—e para ke ba’t nagpapakapagod ako nang ganito sa paglalakad gayong aabot din naman ako sa Compostela kung sasakay ng eroplano o tren?
Pinlano pa nga raw ni kuya ang lahat ng pwede niyang gawin kung sakaling mainip siya sa paglalakad. May koleksyon na siya ng mga audio books at musika na pwede niyang pakinggan, may listahan ng iba’t ibang tema na pwede nilang pag-usapan habang daan, o mga alaala ng nakaraan na pwedeng balikan sa halos walong dekada na ng buhay na kanyang pinagdaanan. Pero nang naroon na siya, nasabi niya sa sarili—ba’t pa ako pumunta rito para mag-isip o gumawa ng mga bagay na pwede ko ring gawin sa ibang lugar at oras? Kung narito na ako, bakit hindi ko pa ibigay nang lubos ang sarili ko sa sandaling ito? Sa bawat minuto, oras at araw ng paglalakad? Na ituon ang kamalayan sa bawat hakbang, sa bawat liko, sa bawat lakad. Na ituon ang paningin sa bawat puno na madaanan sa bawat kagubatan, sa bawat bulaklak, sa bawat kapilyang madaanan. Na ituon ang pandinig sa huni ng mga ibon at insekto, sa mga baka at kabayo, ituon ang pandama pati na sa amoy ng lupa, at ang panlasa sa bawat uri ng pagkaing matikman nila habang daan. Pagmamalay at pagmumulat, pagbabad sa karanasan, pagbubukas ng bawat pandama—iyon daw ang naging susi para sa kanya, hindi lang para matiis o mabata ang paglalakad kundi para mapagyaman ang buong karanasan ng camino.
Parang ganito ang binago ni Hesus sa katuruan niya sa ebanghelyo tungkol sa kaharian ng langit. Na hindi kailangang maghintay ng kamatayan o kabilang buhay para maranasan ang langit. Kaya pala sa itinuro niyang panalangin, hindi niya sinabi—makaabot nawa kami sa langit o makapasok nawa kami sa iyong kaharian. Hindi. Ang sabi niya: mapasaamin ang kaharian mo. Na kung susundin natin ang loob niya, kung sasambahin ang ngalan niya, kung paghahariin natin siya sa buhay natin, kung ang salita niya ang ating kakanin sa araw-araw, kung matuto tayong humingi ng tawad at magpatawad, kung tayo’y magpapakatatag sa pagharap sa mga tukso at paglaban sa masama, ang langit na pinapangarap natin ay maaari nang magsimula dito sa lupa.
Tama ang sabi ng sumulat sa tula na pinamagatang Caminante. Sabi niya sa Kastila, “Caminante no hay camino, se hace camino al andar.” Manlalakbay, walang daan; ginagawa ang daan sa mismong paglalakbay.”