153 total views
Ang kabayanihan ng ating mga essential workers ay nagsisilbing buhay at pag-asa ng ating bayan. Kapanalig, hitik na hitik ang COVID cases ngayon. At habang tayo ay nagtatago sa bahay, ang ating mga essential workers ay patuloy sa paghahanap-buhay at pagbibigay buhay. Nasa kanilang kamay ating kalusugan, nasa kanilang kamay din ang patuloy na pag-inog ng ating ekonomiya.
May isang pag-aaral ang Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019 na nagpapakita kung ilan ang ating essential health workers. Ayon dito, ang rekomendasyon ng WHO ay dapat may 41 na doctor, nurse, at komadrona o midwife kada 10,000 tao. Sa ating bansa, mas kaunti pa sa 25% ng ating mga syudad at munisipalidad ang may ganitong dami ng human health resources. Ibig sabihn nito, 75% ng ating mga syudad at munisipalidad ay kulang ng health workers. Sa panahon ng pandemya, ang pagkukulang na ito ay ramdam na ramdam.
Ang ating mga delivery riders, kapanalig, ay kasama rin sa ating mga essential workers. Dahil sa kanila, ligtas tayong nakakapamili online habang sila ang nakasabak sa pila at pamilihan. Sa trabahong ito, marami sa kanila ang walang job security. Karamihan sa kanila ay walang employee-employer relationship dahil contract of service lamang ang pinanghahawakan nila. Katulad ng mga delivery riders, ang mga grocery workers, naka-kontrata lamang. Araw-araw sila pumapasok sa mga pamilihan, at kahit pa marami ang nakakasalamuha, tuloy lang ang trabaho. Dahil din sa kanila, tuloy tuloy ang supply natin ng mga pangunahing pangangailangan.
Kapanalig, ilan lamang sila sa mga essential workers ng bayan na nagbibigay sa atin ng buhay at pag-asa sa gitna ng napakahabang pandemya. Mahirap ang kanilang sitwasyon ngayon, pero tuloy tuloy nilang ginagawa ito. Katulad natin, may mga pamilya din silang kailangang buhayin at bantayan, may mga tahanang kailangang itaguyod. Kaya lamang, marami sa kanila, hindi pangkaraniwan ang mga hamon sa trabaho ngayon. Sa mga healthworkers, padami ng padami ang mga nagkakasakit, ngunit kulang sila sa workforce at maliit ang sweldo. Sa mga riders at grocery workers, essential workers sila pero maliit ang sweldo at wala pang job security.
Kapanalig, huwag lamang sanang maging lip service ang ating pagpupugay sa mga essential workers. Kailangan nila ng kongkretong solusyon sa napakatagal nang problema ng job security, maayos na pasweldo, at sapat na workforce. Ayon nga sa Mater et Magistra, hindi makatarungan ang lipunan kapag ang struktura ng ating ekonomiya ay hindi nagbibigay ng dignidad sa manggagawa. Kahit pa anong yaman ng ating ekonomiya, kung tinatanggal naman nito ang dignidad at danggal ng manggawa, ang lipunang ito ay hubad sa katarungan at pagkapantay-pantay.
Sumainyo ang Katotohanan.