171 total views
Hindi nararapat i-asa ng sinuman ang kanilang buhay at kinabukasan sa mga ‘hula’ na walang katotohanan at pawang pagbabakasakali lamang.
Ito ang panawagan ni dating CBCP President at Lingayen Dagupan Archbishop Emeritus Oscas Cruz sa mamamayan na mahilig magpahula para sa pagsisimula ng taon.
Giit ng Arsobispo, sa halip na i-asa at gawing gabay ang mga hula ay mas nararapat gamitin ng bawat isa ang kaloob na kalakasan, karunungan at pambihirang kakayahan na regalo ng Panginoon sa bawat isa.
Paliwanag pa ni Arcbishop Cruz, hindi nararapat paniwalaan at gawing gabay sa buhay ang mga ‘hula’ na wala namang katiyakan sa halip ay mas nararapat paigtingin ang pananampataya na kaloob ng Panginoon na lubos ang pag-ibig sa buong sangkatauhan.
“Ang hula po ay walang tinutungtong katotohanan, kaya nga tinawag na hula yun ay sabi-sabi, tantiya, baka sakali etc. etc. So paano po tayo maniniwala sa baka-sakali at saka tantiya-tantiya, neither here or there kung ganito gagawin mo, ganito ang swerte. So huwag po, meron po tayong kaisipan gamitin natin, meron tayong kalooban gamitin natin, meron tayong kalakasan ng katawan ay gamitin natin at huwag po tayong umasa sa mga hula kundi wala pong mangyayari sa buhay natin…” paalala ni Archbishop Cruz sa panayam sa Radio Veritas.
Matatandaang taong 2012 ng kumalat ang prediksyon sa pagkawasak ng mundo.
Kaugnay nito, inihayag ng Kanyang Kabanalan Francisco na walang tunay na pananampalataya sa Panginoon at sa kanyang mga kaloob ang mga tumatangkilik sa mga manghuhula o fortune tellers na nagsasabi ng huwad na kapalaran ng isang nilalang.
Paliwanag ng Santo Papa, hindi na kinakailangan pa ng mga payo o direksyong dapat sundin ng sinuman upang maging masaya, masagana at makabuluhan ang pamumuhay sa halip ay kinakailangan lamang ang masidhing pananampalataya sa biyayang kaloob ng Panginoong Maykapal sa sangkatauhan.