478 total views
Mga Kapanalig, bakit kailangang dumanak ang dugo sa paghahangad ng mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupa?
Nitong Setyembre, anim na magsasaka ang binaril at napatay, at sinasabing may kaugnayan ang mga ito sa repormang pang-agraryo ng pamahalaan. Ang unang insidente ay naganap sa Nueva Ecija kung saan apat na magsasaka ang pinagbabaril ng hindi na nakikilalang mga suspek. Makalipas ang apat na araw, isang lider-magsasaka sa Isabela ang pinaslang ng tatlong armadong lalaki. Kilalá ang biktima bilang tagapagsulong ng repormang pang-agraryo sa probinsya. Ang pinakahuling insidente ay naganap sa Palawan kung saan mismong guwardya ng Bureau of Animal Industry ang bumaril sa isang lider-magsasaka. Matagal nang ipinaglalaban ng mga magsasaka roon na ipamahagi na ang lupang kinatatayuan ng opisina ng nasabing ahensya. Ayon sa kanila, bahagi ng sakahan ng kanilang mga magulang ang lupang itinalaga ni dating Pangulong Marcos upang gamiting pastulan ng Bureau of Animal Industry.
Anim na buhay ang nawala. Kung mapatutunayang may kaugnayan nga sa repormang pang-agraryo, karagdagan sila sa bilang ng mga napatay dahil sa pagnanais na magkaroon ng lupa.
Layunin ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP na tulungang makaahon sa kahirapan ang mga magsasaka. Inumpisahan noong 1988 sa pamamagitan ng Republic Act 6657, nilalayon ng programang ito ng pamahalaan na ipagkaloob sa mga magsasaka ang mga lupang matagal na nilang sinasaka, at tulungan silang pasaganahin ang kanilang ani. Mula sa orihinal na sampung taon, pinalawig pa ito ng sampu pang taon noong 1998 sa pamamagitan ng RA 8532. Hindi natapos ang pamamahagi ng lupa, kaya’t noong 2009 ay ipinasá ang RA 9700 o ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms o CARPER. Itinakda ng CARPER na kumpletuhin ang pamamahagi ng lupa bago sumapit ang deadline na Hunyo 2014. Ngunit sa kasamaang palad, ayon sa Department of Agrarian Reform, mahigit kahalating milyong ektarya pa ang hindi pa naipapamahagi.
Hindi naging madali ang pagpapatupad ng CARP dahil binabangga nito ang mga tinatawag na “panginoong may lupa”. Mayroon ding mahigpit na prosesong dapat ipatupad, at mahabang kasaysayan na dapat isaalang-alang bago magpamahagi. Nakalulungkot na sa kasama sa pinagdaanan ng programa ang pagdanak ng dugo.
Mga Kapanalig, wala tayong karapatang magpasya sa kahihinatnan ng buhay ng ating kapwa. Ngunit makikita natin sa pagpapatupad ng CARP na maaaring humantong sa pagpatay ang patuloy na pagpapairal ng kasakiman ng mga taong ayaw ipasailalim sa CARP ang kanilang malalawak na lupain.
Isang mahalagang prinsipyo sa mga katuruang panlipunan ng Simbahan ang “universal destination of goods”. Sinasabi ng prinsipyong ito na ang lahat ng yaman sa daigdig, kasama ang lupa, ay dapat na pinagbabahaginan at pinakikinabangan ng lahat. Ngunit mahalagang alalahanin na hindi binabangga ng prinsipyong ito ang pagkakaroon ng pribadong pag-aari o private property subalit hinihingi ng pribadong pagmamay-ari ang pagsasaalang-alang natin sa kapakanan at kaginhawaan ng buhay ng ating kapwa. Ibig sabihin, kung ang pagkapit natin sa ating ari-arian ay nagiging balakid sa pag-unlad ng ating kapwa at sa pamumuhay nila nang may dignidad, kagaya ng kahirapang dinaranas ng ating mga magsasaka, pinagkakaitan natin ng katarungan ang ating kapwa.
Mga Kapanalig, magandang paalala sa atin ang sinabi ni San Ambrosio tungkol sa pagbabahagi, na sinipi sa Catholic social teaching na Populorum Progressio: “Hindi ninyo ibinibigay ang inyong kayamanan sa taong dukha. Ibinibigay ninyo sa kanya ang sa kanya. Palibhasa ang inilaan upang magamit ng lahat, kinamkam ninyo para sa inyong sarili. Ipinagkaloob ang mundo sa lahat, at hindi lamang sa mga nakaririwasa.”
Ipagdasal natin ang mga magsasakang buhay ang ibinuwis alang-alang sa mas makatarungang pakikinabang sa lupa. Nawa’y sa ilalim ng bagong administrasyon, maging makatotohanan na at mas mabilis ang programang pang-agraryo sa ating bansa.
Sumainyo ang katotohanan.