1,609 total views
Kapanalig, ang mga mangingisda ay isa sa mga pinakamahirap na sektor sa ating bayan. Napakaliit ng arawang kita nila: karaniwang mga P180 lamang kada araw. Para sa mga mangingisda naman na nagtatrabaho sa mga fishing boats sa ating tuna industry, nasa P5,000 hanggang 12,000 ang sweldo kada buwan, depende pa yan sa dami ng huli. Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na mataas ang poverty incidence sa kanilang hanay, nasa 39%.
Nakakapanghinayang kapanalig, na maliit ang kita ng mga mangingisda sa ating bayan, kahit pa tayo ang isa sa may pinakamahabang coastline sa mundo. Marami sa atin, inakaala rin na uwian ang trabaho ng pangingisda. Marami sa kanila, kapanalig, buwan pa bago makauwi sa kanilang mga pamilya. Parang seaman, kapanalig, pero malayo ang sweldo at estado sa buhay.
Maliban pa sa sweldo, kapanalig, marami pang ibang hamon sa buhay mangingisda. Social protection o insurance, ay isa rin sa kanilang mga suliranin. Risky o mapanganib ang kanilang trabaho. Maliban sa mga ambang ng bagyo o masungit na panahon, ang kanilang kalagayan sa mga fishing vessels ay kailangan rin tingnan. Masikip ang kanilang mga pwesto at kadalasan, hindi rin sapat ang malinis na tubig.
Hindi rin lahat sa kanila ay miyembro ng insurance programs gaya ng SSS. Wala silang disability pay kapag sila ay naaksidente habang nagtatrabaho. Wala rin silang retirement pay kapag dumating na ang katandaan.
Ang karagatan rin kapanalig, ay tila hindi na rin kayang i-sustain ang pangingisda. Ayon sa mga eksperto, overfished na ang marami sa ating mga fishing grounds. Overfished na, at lalakas pa ang demand, kapanalig, dahil tumataas ang ating populasyon.
Ano ba ang ating magagawa upang matulungan ang mga mangingisda sa ating bayan? Unang una, kapanalig, alagaan natin ang ating kalikasan. Sa halip na tutukan natin ang produksyon lamang, hindi ba pwedeng sabayan natin ito ng mga resource management programs?
Isipin din natin kapanalig, kung paano natin matutulungan ang mga mangingisda na magkaroon ng mga mas maka-kalikasang fishing gears at techniques. Kapag lahat ng mangingisda ay pinong lambat ang gagamitin, kahit maliit at batang isda makukuha rin. Paano pa dadami ang ani sa dagat?
Maliban dito kapanalig, asikasuhin natin ang kanilang social protection. Kailangan masiguro ang mga kanilang mga benepisyo, upang mapangalagaan hindi lamang sila, kundi ang kanilang mga pamilya.
Kapanalig, ang maralitang mangingisda ay ating kapatid. Sila ay mahalagang haligi ng bansa; sila ay isa sa mga sektor na sangkap ng food security ng bayan. Hindi ba’t ang pangunahing utos ng Diyos ay mahalin natin ang isa’t isa? Mula sa utos na ito dumadaloy ang ating obligasyon na maging kapwa at Simbahang maka-maralita. Si Pope Francis ay nagsabi sa kanyang Laudato Si na gawin nating inspirasyon si St. Francis: Tayo, tulad niya ay nawa’y maging maka-kalikasan, at mapagmahal sa maralita.