73,674 total views
Ang mga Pilipinong seaman, kapanalig, ay maituturing na haligi na ng pandaigdigang shipping industry. Ang ating bansa ang pinakamalaking supplier ng mga seafarers sa buong mundo. Sa bawat sulok ng mundo, sa malalaking barko at mga vessels, may Pilipino na nagtatrabaho at nag-aambag ng kanilang husay, sipag, at tiyaga. Tinatayang may halos 500,000 na Pilipinong seafarers ngayon.
Marami sa atin nag-aakala na madali ang buhay marino, at dolyar pa ang kanilang kinikita. Ang katotohanan, kapanalig, hindi madali ang maging marino. Kailangan nilang magtiis sa matagal na panahon na hindi kasama ang kanilang pamilya. Mahaba din ang oras ng kanilang trabaho. Hindi rin biro ang risks at panganib na kanilang hinaharap, gaya ng bagyo, aksidente sa dagat, banta ng pirata, at mga iba ibang sakit na maaring dumapo sa kanila lalo sa iba ibang port sila nanggagaling.
Marami ring mga seafarers, kapanalig, nagtitiis sa masisikip at maruruming silid o tulugan, tapos exposed pa sa mga hazardous materials na kanilang tinatransport. Marami ring Pilipinong seafarers ay nagiging bikitima ng diskriminasyon habang nasa laot. Marami ang nagsasabi na mas mababa ang sahod nila kumpara sa ibang nationalities.
Sa kabila nito, parami pa rin ng parami ang nais na maging seafarer, at ang mga beterano ay nanatiling matatag at patuloy na nagbibigay ng kanilang serbisyo. Kaya dapat lamang na sila ay ating bigyang pugay dahil kahit marami silang paghihirap na pinagdadaraanan, patuloy sila sa kanilang trabaho, na hindi lamang bumubuhay sa kanilang mga pamilya, malaki pa ang tulong sa ating ekonomiya. Kapanalig, malaking bahagi ng mga remittances na pumapasok sa ating bansa ay mula sa mga Pilipinong seafarers. Tumutulong ito sa pagpapalakas ng ating ekonomiya.
Kapanalig, sana ay mas mabigyan pa natin ng proteksyon ang ating mga seafarers. Ang kanilang mga karapatan ay dapat nating mai-safeguard. Kailangan nila ng tulong sa pagtitiyak na ang kanilang kontrata ay makatarungan, ang kanilang working conditions ay makatao, at ang kanilang sahod ay sapat. Mahalaga na atin itong nababantayan upang ating matiyak na ang kanilang serbisyo ay hindi nawawalan ng saysay.
Nawa’ maging gabay sa atin ang mga kataga mula sa Mater et Magistra, bahagi ng Panlipunang Turo ng Simbahan: kung ang uri at istruktura ng ating ekonomiya ay hindi kumikilala sa dignidad ng manggagawa, at nagtatanggal ng kanilang kalayaang kumilos ng malaya, hindi ito makatarungan. Kapanalig, hindi lang remittances ng ating mga seafarers ang dapat kilalanin ng ating lipunan, kundi sila mismo, ang mga manggagawa na walang sawang nagpapadala ng kanilang ambag sa bayan at pamilya.
Sumainyo ang Katotohanan.