293 total views
Pinapurihan ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity ang pagdiriwang ng Undas ngayong taon bilang pagkakataon ng pagbubuklod ng pamilya sa puntod ng kaanak na pumanaw.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng komisyon, buhay na buhay ang mga mananmapataya sa pag – aalay ng pamisa sa mga yumaong nilang pamilya at nagkakaisa sa pananalangin.
“Sana ang pagdiriwang natin sa Undas ay isang magandang kaugalian nating mga Pilipino na mabigyan ng pagpapahalaga sa ating mga yumao na sila ay hindi talaga nawala sa ating buhay na may kaugnayan pa rin tayo sa kanila. At dahil po sa mga yumao nagkakaisa tayong mga nabubuhay pa nagkakatagpo at nagkakasama – sama muli ang mga pamilya para sa kanilang mga yumao. Yan ay magandang kaugalian na hindi sana mawala,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Veritas Patrol.
Mahalaga ayon kay Bishop Pabillo na hindi na makapag – simba ang mga mananampalatay ngayong unang araw ng Nobyembre at masimulan na rin ang pagdedebosyon sa mga kaluluwa sa purgatoryo at sa mga kaanak na yumao.
Paliwanag pa ng Obispo na magandang gawain ang pagdedebosyon sa mga kaluluwa sa purgatoryo upang maibsan ang parusang kanilang kinakaharap roon.
“Ngunit ang pinaka – mahalagang pagpaparangal natin at pagtulong sa ating mga yumao ay ang ating mga panalangin. Maari pong makapag – simba tayo sa mga araw na ito November 1 at November 2 at ngayong buong buwan ng Nobyembre ay pagtuunan natin ng pansin ang pananalangin sa mga kaluluwa sa purgatoryo,” giit pa ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Samantala, naging tradisyon na ng mahigit 100 milyong Pilipino ang pagpunta sa mga sememteryo tuwing ika – 1 ng Nobyembre kung saan ipinagdiriwang ang Araw ng mga Banal imbes na ika -2 ng Nobyembre, Araw ng mga Kaluluwa.
Gayunman, sa katuruan ng Simbahang Katolika iniaalay ang buong buwan ng Nobyembre upang ipanalangin ang kaluluwa sa purgatoryo bilang isang debosyong nakapagbibigay indulhensya.