184 total views
Mga Kapanalig, may kumakalat na biro sa social media tungkol sa pagtugon ng ating pamahalaan sa pandemya ng COVID-19. Kung ang ibang bansa ay nasa phase 1, phase 2, o phase 3 na ng kanilang paglilinang ng bakuna laban sa nakahahawang sakit na ito, ang Pilipinas daw ay nananatili sa face shield.
Sa Singapore, dumating na ang unang shipment ng bakunang kanilang inangkat, at uunahin nilang babakunahan ang mga pinakalantad sa sakit katulad ng mga frontline at healthcare workers. Inaasahan nilang mababakunahan ang lahat ng Singaporean sa pagtatapos ng taóng ito. Libre din itong ibibigay sa lahat. Ang Vietnam naman, may sariling vaccine na nililikha, at target nilang ilunsad ito sa kalagitnaan ng taon. Prayoridad ng pamahalaan doong magkaroon ng sarili nilang bakuna upang matiyak na mababakunahan ang halos 100 milyong populasyon ng bansa.
Una na ngang nagbakuna ng mga mamamayan nito ang bansang United Kingdom na sinundan naman ng iba pang mayayamang bansa sa Amerika at Europa. Oras ang hinahabol ng mga pamahalaan ng iba’t ibang bansa upang iligtas ang kanilang mga mamamayan sa sakit na nakahawa sa 78 milyong katao at bumawi sa buhay ng 1.73 milyong katao sa buong mundo. Kaya naman, sa kanyang Urbi et Orbi noong Pasko, nanawagan si Pope Francis para sa pagkakaisa ng mga bansa upang tiyaking mabibigyan ng bakuna at gamot ang mga nasa mahihirap na bansa.
Ang mas nakababahala pa, mayroon na ngayong bagong strain ng virus na sanhi ng COVID-19. Una itong natuklasan sa United Kingdom at kumalat na sa iba’t ibang bansa. Ayon kay Pangulong Duterte, mayroon na rin daw kaso sa Sabah, Malaysia, kaya todo-bantay daw ang pamahalaan sa Jolo, at may mga mungkahi ngang magkaroon na ng travel ban. Ngunit para kay Health Secretary Francisco Duque III, dapat ikonsidera ang travel ban kung mayroon nang community transmission sa bansang pinagmulan ng bagong coronavirus strain. Nalimutan yata ng kalihim na isinailalim ang UK sa pinatinding lockdown dahil nga kumakalat na ang bagong strain doon. Habang pinag-iispan ng mga lider natin ang pagpigil sa pagpasok ng mga dayuhan sa ating bansa, nagpunta ang DOH secretary sa isang pamilihan upang paalalahanan ang mga mamimili, gamit ang isang metrong yantok, na panatilihin ang physical distancing.
Samantala, napag-alaman natin noong isang linggo na may mga sundalo at opisyal ng pamahalaan na ang naturukan ng bakunang gawa mula sa China. Ito ay kahit wala pang inaaprubahang bakuha ang ating Food and Drugs Administration (o FDA). Itinanggi ng kinauukulan noong una na kumpirmahin ang sinabi mismo ni Pangulong Duterte ngunit kalaunan, nalaman nating mga miyembro ng Presidential Security Group at ilang high-ranking officials ng Sandatahang Lakas ang binakunahan. Ang mas nakapagtataka pa, ipinipilit ng pamahaaan ang paggamit ng isang bakunang gawa sa China kahit pa napakababa ng tinatawag na efficacy rate nito at mas mahal ito kumpara sa ibang bakuna na mas mataas ang efficacy rate.
Sa mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan, mapapatanong tayo: talaga bang isinasaalang-alang ng ating mga pinuno ang ating kapakanan? Buhay nating mga Pilipino ang nakatayâ, ngunit bakit may mga detalyeng ngayon lang natin nalalaman? Bakit parang hindi tayo natuto sa pagbabalewala sa travel ban? Bakit nananatili tayo sa mga pangunahing health restrictions sa halip na unahin ang pagkuha ng bakunang epektibo ngunit abot-kaya?
Mga Kapanalig, mainam na paalala sa ating mga pinuno ang nasasaad sa Mga Gawa 20:28: “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa.” Nariyan ang ating mga lider upang pangasiwaan tayo nang mabuti, at unahin—hindi ang ikompromiso—ang ating kapakanan at kaligtasan.